BAGAMA’T sumalubong sa maraming botante sa araw ng botohan sa Eleksyon 2022 ang mainit na panahon, mahabang pila, at nagkaaberyang vote-counting machines (VCMs), lumi-linaw na ngayong araw kung sinu-sino ang mga nanalo.
Wala namang “major issues” na natatanggap ang Commission on Elections (Comelec).
Nagsimula ang botohan kahapon sa ganap na 6:00 am at tumagal ng hanggang 7pm.
Ngunit sa ilang lugar, inabot pa ng lampas alas-9:00 ng gabi ang botohan dahil sa ilang aberya.
Sabi nga ng Comelec, ang mahabang pila raw ay pagpapakita ng kagustuhan ng mga tao na gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto.
Nasa 65 milyon ang rehistradong botante.
Habang isinusulat ko ang kolum na ito, malayo na ang agwat ni dating Sen. Bongbong Marcos sa mga katunggali niya sa presidential race matapos makakuha ng higit 30 milyong boto habang higit 14 milyong boto lamang ang nasungkit ni Vice President Leni Robredo.
Nakakuha rin si Davao City Mayor Sara Duterte ng higit 31 milyong boto habang mahigit siyam na milyon lamang ang naisukbit ng nakasunod sa kanya na si dating Sen. Kiko Pangilinan.
Naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagdaraos ng 2022 national and local elections (NLE) sa bansa.
Sabi nga ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ‘generally peaceful’ ang kanilang assessment sa May poll situation, sa simula pa lang ng election period noong Enero 9 hanggang aktuwal na araw ng halalan.
At sabi ng opisyal, ito’y dahil kakaunti lang ang napaulat na ‘election-related incidents’.
Kasama raw sa mga insidente ng karahasan na kanilang natanggap ay ang naganap sa Buluan, Maguindanao, kung saan isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang patay habang sugatan ang kasamahan nito nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa kasagsagan ng araw ng halalan.
Naideklara na ring panalo ang ilang kandidato sa iba’t ibang lugar, kabilang ang mga tumatakbo sa lungsod ng Quezon.
Abot-kamay na ang panalo ni Arjo Atayde na unang sabak pa lamang sa pagka-kongresista ng District 1 ng QC, batay na rin sa unofficial results mula sa Comelec at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Sa 79.74% local votes na nai-transmit, aba’y numero uno si Atayde.
Malayong pangalawa si re-electionist Rep. Onyx Crisologo habang nakabuntot naman sa pangatlong puwesto si entrepreneur Marcus Dee.
Maituturing na political neophyte ang 31-anyos na si Atayde pero bata pa lamang ay kilala na itong tumutulong sa mga tao.
Ang naranasan daw nila sa COVID-19 pandemic ang nagtulak sa kanya para tumakbo.
Anak si Arjo ni screen veteran Sylvia Sanchez at nanalo na ng top acting prize sa Asian Academy Creative Awards noong 2020.
Nangunguna rin sa kanyang distrito sa QC si Dra. Geleen “Dok G” Lumbad.
Sabagay, hindi naman nakapagtataka iyan.
Kilalang matulungin sa kapwa ang doktora.
Kung gaano kasi kaganda ang doktora ay ganoon din kaganda ang kanyang kalooban sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Sabi nga, God-fearing din ito at laging nangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan.
Noong kasagsagan ng pandemya, namahagi si Dok G ng mga libreng gamot, pagkain, at iba pang ayuda para sa kanyang mga ka-distrito.
Kaya, Congrats po kina Lodi Cong. Arjo at Dok G…Mabuhay po kayo at God bless!
