PATAY ang 69-anyos na lola nang makulong sa nasusunog na bahay habang 80 kabahayan ang natupok na nagresulta upang mawalan ng tirahan ang tinatatayang 200 pamilya sa Pablo Ocampo St., Malate, Manila nitong Martes ng madaling araw.
Natagpuan ng mga bumbero sa banyo ang bangkay ng biktimang si Lydia Montero Bernal.
Base sa report ng Bureau of Fire Protection ng Manila, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa ground floor ng tatlong palapag na bahay ng isang Danilo Arce, sa #684 P. Ocampo St., Malate.
Ayon sa anak ng biktima na si Lilibeth Bernal, una nilang tinulungang makalikas ang kanilang ama ngunit nagulat sila nang mabatid na hindi pala sumunod ang kanilang ina.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang fire out dakong alas-6:15 ng umaga. (RENE CRISOSTOMO)
