PINABUBUHAY ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Quad Committee sa pagbubukas ng 20th Congress at ang kaso ng mga nawawalang sabungero ang unang iimbestigahan.
Nakasaad sa House Resolution (HR) 53 na inihain kahapon ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na ipatawag din ang mga isinasangkot sa pagkawala ng 34 sabungeros tulad ni Charlie “Atong” Ang at dating aktres na si Gretchen Barretto.
“Resolved still further that the Lucky 8 Star Quest, Inc., Charlie ‘Atong’ Ang and Gretchen Barretto and other resource persons be subpoenaed to appear and testify such investigation,” ani Abante sa kanyang resolusyon.
Sa nakaraang mga linggo, naging laman ng mga balita ang paglabas ng testigong si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy na dating chief security ni Ang kung saan itinuro nito ang dating amo na nasa likod ng pagdukot at pagpatay umano sa mga nawawalang sabungero.
Isiniwalat nito na inilibing sa Taal Lake ang mga labi ng mga biktim kaya nagsagawa ng retrieval operations ang Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya ng gobyerno kung saan base sa mga ulat ay nakarekober ang mga ito ng mga buto na hinihinalang sa tao.
Noong Lunes ay pormal nang nagsampa ng reklamo si Patidongan sa 15 aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na dumukot at pumatay umano sa mga missing sabungero na kinabibilangan ng isang retired general, Colonel at Lt. Colonel.
Labis itong ikinabahala ng mambabatas kaya kailangan aniyang buhayin ang Quad Comm upang imbestigahan ang bagay na ito dahil wala itong ipinagkaiba sa war on drugs kung saan walang respeto ang mga tiwaling pulis sa karapatan ng mga tao.
Noong 19th Congress itinatag ang Quad Comm na kinabibilangan ng committees on illegal drugs, human rights, public accounts at public order and safety kung saan inimbestigahan ng mga ito ang extrajudicial killings (EJK), war on drugs at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na namayagpag noong nakaraang administrasyon.
(BERNARD TAGUINOD)
