LOVE THE PHILIPPINES

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANG laking eskandalo ang dinulot ng binaklas na promotional video ng Department of Tourism (DOT).

Nagkukumahog sila ngayon kung paano mapagtatakpan ang malaking kapalpakan sa “Love the Philippines” promotional video.

Kamakailan lang, pinuna rin ang DOT dahil sa “We Give the World Our Best – The Philippines” ad na ipinaskil sa double-deck bus sa London, United Kingdom.

Kasama roon ang larawan ng Filipina-British nurse na si May Parsons, ang kauna-unahang nakapagturok ng COVID-19 vaccine.

Tingin kasi ng marami, posibleng isipin na patungkol sa tao ang advertisement kaya lumalabas na tila inilalako sa ibang bansa ang mga Pilipino.

Sa panibagong kontrobersya ng DOT, ang pagkuha naman sa mga stock video ang naging issue.

Kung bakit kasi nasama ang mga tourist spot at iba pang eksena na kuha sa ibang bansa gayung Pilipinas ang pino-promote.

At dahil witty ang mga Pinoy, sinakyan nila ang ‘trip’ ng kung sinomang nakaisip gumamit ng stock video.

Nagsipag-post din sila ng mga litrato sa social media patungkol sa magagandang tanawin sa Pilipinas… pero hindi ang aktwal na larawan ng lugar ang ginamit kundi mula sa ibang bansa.

Heto ang mga example: Iyong pamosong Mt. Fuji sa Japan ay nilagyan ng caption na Mayon Volcano.

Mayroon ding nag-post ng Jones Bridge sa Manila pero ang litrato ay ang Tower Bridge of London o London Bridge. Ang Manila City Hall naman ay iyong Big Ben na Cultural landmark sa

London, England din. Calauit Island, na ang larawan ay may mga giraffe mula sa Africa. Dolomite Beach, Tagaytay, Pasig River na mga hindi lugar sa Pilipinas ang nasa larawan.

Pero mas nakatutuwa iyong nakaisip na gamitin ang litrato ng mga zombie mula sa isang eksena sa pelikulang Train to Busan. Nilagyan nila ito ng caption na EDSA Taft Station – LRT 1, Manila.

Panalo rin ang mga nag-post na iyon daw ang Malacañang Palace at Congress na ang litrato ay puro BUWAYA!

‘Yung isa naman, Malacañang daw pero ang litrato kuting. Alam n’yo na kanino patungkol ‘yan.

May isa pa, Office of the Vice President daw – basurahan.

Talaga naman “it’s more fun editing the Philippines”.

Seryosong usapan, ang sabi ng DDB Philippines, ang kinontratang advertising agency, ang AVP (audio-visual presentation) ay isang mood video o patikim pa lang “to excite the internal stakeholders”, kung ganun bakit hindi nila ito nilinaw nang ipresenta sa publiko.

Sana sa simula pa lang sinabi nilang patikim lang iyon, hindi pa final product. Isa pa, sino ang nagbigay ng awtorisasyon para i-release ang video.

Ayon pa sa DDB, hindi gumastos ni isang kusing ang mga taxpayer sa promo video. Pero sa mga naunang pahayag ng DOT, gumastos sila ng P49 milyon.

Ang tanong, kanino o saan napunta ang P49 milyon?

460

Related posts

Leave a Comment