MANILA, Philippines — Umabot na sa halos P1 bilyon ang naipamahaging fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga public utility vehicle (PUV) driver at operator sa buong bansa.
Batay sa pinakahuling datos, kabilang sa mga nakatanggap ang mga nasa National Capital Region na umabot sa P200 milyon, gayundin ang mga rehiyon ng CALABARZON, Central Luzon, at Central Visayas.
Tig-P5,000 ang ibinibigay sa bawat benepisyaryo na kinabibilangan ng mga driver at operator ng jeepney, UV Express, bus, taxi, transport network vehicle service (TNVS), tricycle, delivery services, at motorcycle taxis.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, patuloy na pinabibilis ng ahensya ang proseso ng distribusyon upang agad makarating ang tulong sa mga benepisyaryo.
Dagdag niya, paiigtingin pa ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang mapabilis ang pamamahagi at masigurong lahat ng kwalipikadong driver at operator ay mabibigyan ng ayuda.
Isinusulong ang programa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking walang maiiwang transport worker sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
(PAOLO SANTOS)
55 