LTFRB INUPAKAN SA PAGPAPABAYA

KINONDENA ni Senador Grace Poe ang lubusang pagpapabaya sa pagpapatupad ng service contracting program ng pamahalaan sa pangunguna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Republic Act 11494.

“Lubhang nakapanlulumo na basta na lamang ipinawalang-bahala ng pamahalaan ang kapalpakan nitong ipamahagi ang bayad sa mga operator sa ilalim ng service contracting program,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public services.

Naunang inireklamo ng ilang drayber at operator ang kabiguan nilang makatanggap ng kanilang kumpensasyon mula sa serbisyong kanilang ibinigay sa ilalim ng programa.

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra sa interview kamakailan na nakapagbayad na sila ng P1.25 bilyon o 26.55 porsiyento ng P5.58 bilyon na inilaan para ipambayad nitong Hunyo.

“Hindi katanggap-tanggap ang labis na kabagalan sa paglabas ng pondong pambayad sa mga operator at drayber na walang kapagurang naghatid sa ating mga frontliner araw at gabi,” ayon kay Poe.

Dahil dito, inihain ni Poe ang isang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang makupad na implementasyon ng service contracting program na nauna nitong isinulong na maisama sa Bayanihan 2 upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga drayber na nawalan ng kita sa gitna ng pandemya.

“Umaasa tayo na maibibigay sana kaagad nang mabilisang ang tulong pinansiyal sa mga PUV drivers. Sa halip, naipit ito sa bureaucratic gridlock,” ayon kay Poe.

Kamakailan, natuklasan ng Commission on Audit (COA) na umabot lamang sa P59.72 milyon o 1.07 porsiyento ng P5.58 bilyon ang nagamit na pondo sa ilalim ng batas.

Ikinalungkot ni Poe ang natuklasan ng COA na naantala ng 11 buwan ang pagpapalabas ng pondo sa service contracting program. Dagdag pa dito, tanging 2, 125 mula sa 60,000 tudlang benepisyaryo ang naisama sa listahan ng LTFRB.

“Hindi natin makakayanan na tignan na lamang nang ganyan ang ating “kings of the road na palaging nagmamadali upang sagipin ang na-stranded na commuters na ngayon naging pulubi sa mga lansangan dahil walang kumakalinga,” giit ni Poe. (ESTONG REYES)

148

Related posts

Leave a Comment