TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinabilis na nito ang pamamahagi ng mahigit P651 milyong fuel subsidy sa mga benepisyaryo sa buong bansa.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na ang mga regional director na ipagpatuloy ang validation process sa koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang maayos at mabilis na distribusyon.
Aminado si Mendoza na nagkaroon ng ilang hamon sa implementasyon, partikular sa Metro Manila, ngunit ginamit umano ito bilang aral upang mapabuti ang rollout sa mga probinsya.
Ang subsidy ay bahagi ng P2.4 bilyong pondo na inilaan ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa kabuuang P651,185,000 na naipamahagi mula Marso 17, pinakamalaking bahagi ang napunta sa Metro Manila (P181.278 milyon), CALABARZON (P98.215 milyon), at Central Luzon (P73.416 milyon).
Saklaw ng programa ang mga driver at operator ng jeepney, UV Express, bus, TNVS, taxi, tricycle, at delivery services.
(PAOLO SANTOS)
43 