LTFRB TINIYAK ROAD SAFETY CHECK SA BALIK-BIYAHE

SA kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas at maginhawa ang pagbabalik-biyahe ng publiko matapos ang Undas, inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ni DOTr Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, ang lahat ng Regional Director na ipagpatuloy ang mahigpit na road worthiness inspection sa mga pampasaherong bus sa buong bansa.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, pinatitiyak din ang pisikal at mental na kahandaan ng mga drayber at konduktor sa mga biyahe pabalik ng Metro Manila at iba pang lungsod.

“Magpapatuloy ang ating koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng pasahero sa kanilang pagbabalik mula sa mga probinsya matapos ang Undas,” ani Mendoza.

Dagdag niya, paiigtingin ang inspeksyon sa mga bus terminal at transport hubs, kabilang na ang posibilidad ng drug testing kung kinakailangan.

“Ang pinakamahalaga ay ang kaligtasan ng lahat ng mananakay at iba pang gumagamit ng kalsada,” giit ng opisyal.

Inaprubahan din ng LTFRB ang mahigit 800 special trips ng mga bus upang matugunan ang dagsa ng pasahero ngayong Undas break.

Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang LTFRB sa PNP at mga lokal na pamahalaan para sa mas mahigpit na seguridad at tulong sa mga motorista. Naglagay rin ang mga awtoridad ng motorist assistance centers sa mga pangunahing lansangan sa bansa.

“Ito ay isang whole-of-government approach para matiyak ang kaligtasan ng milyun-milyong kababayan nating nagsisimula nang bumalik sa Metro Manila at iba pang urban centers,” dagdag pa ni Mendoza. (PAOLO SANTOS)

69

Related posts

Leave a Comment