LTO PORTAL OFFLINE, DI KATANGGAP-TANGGAP

KINALAMPAG ni Sen. Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) upang tiyaking mas maaasahan at madaling magagamit ang online portal nito para sa aplikasyon at renewal ng driver’s license.

“Sa panahong pilit nating iniiwasan ang face-to-face transactions dahil sa COVID-19, umaasa ang ating mga kababayan sa online transactions bilang mas ligtas, mabilis at maaasahang paraan,” pahayag ni Poe.

“Ang kawalan ng silbi ng online service ng LTO ay talaga namang hindi katanggap-tanggap,” dagdag niya.

Libu-libong motoristang magre-renew at mag-aapply ng registration ang dismayado dahil hindi ma-access ang LTO portal na Land Transportation Management System sa gitna ng panghihikayat sa taumbayan na manatili sa kanilang mga tahanan dahil sa COVID 19.

Ang LTMS ang nagsisilbing online platform para sa lahat ng motoring regulatory services ng LTO. Pinagsisilbihan din nito ang mga baguhang aplikanteng nais mag-aplay ng lisensya sa pagmamaneho at magpaparehistro ng behikulo sa unang pagkakataon.

“Dapat maging ehemplo ng pagiging maaasahan ang mga government portals. Hindi dapat ito lupaypay kapag kailangan na ng tao ang serbisyo nito,” ayon kay Poe.

Bagama’t una nang humingi ng paumanhin ang LTO sa pagiging offline ng kanilang portal, iginiit ng ilang motorista na maaari naman sanang gamitin ang mismong IT system ng ahensya habang isinasaayos ang foreign contractor’s system.

“Dapat ayusin ng LTO ang problema, o kung hindi ay hindi nito maseserbisyuhan ang publiko at hindi maipatutupad ang isinasaad sa batas,” giit naman ni Poe.

Umaasa rin si Poe sa mga unang pahayag ng LTO na ang pagiging balido ng mga paso nang lisensya ay palalawigin ng hanggang dalawang buwan.

Krusyal aniya ang dagdag na panahon lalo na sa mga mamamayang nais mag-renew ng lisensya ngunit hindi makapasok sa LTO portal. (Dang Samson-Garcia)

309

Related posts

Leave a Comment