INILUNSAD kahapon ng National Press Club (NPC), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) ang isang kampanyang naglalayong tulungan ang mga mamamahayag na irehistro at gawing lehitimo ang pagmama-ari at pagbitbit ng baril bilang seguridad sa peligrong kaakibat ng trabaho.
Ayon sa NPC na magdiriwang ng ika-69 na anibersaryo, malaking bentahe ang maging sigurista lalo pa’t peligroso ang trabaho ng mga peryodista sa paghahayag at pagsisiwalat ng balita at anomalya.
Binigyang pagkilala din ng grupo ang malasakit na ipinamalas ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga mamamahayag na matapang na nagbabalita at bumabatikos batay sa impormasyon ay ebidensyang nakalap nito. Ito din, ayon sa pamunuan ng NPC ang dahilan kung bakit may mga pagkakataong kailangan din ng mga peryodista ang magbitbit ng armas bilang paniguro.
Gayunpaman, hindi lang mga miyembro ng media ang pwedeng mag-aplay ng LTOPF, kundi maging ang mga gun enthusiast, mga miyembro ng ibang organisasyon, mga opisyal at kawani sa mga ahensya ng pamahalaan at mga negosyanteng target ng mga masasamang loob.
Sa mga nagnanais sumailalim sa proseso, kailangan lamang pumasa sa drug at neuro test, at magprisinta ng police clearance.
Panawagan naman ni NPC President Paul Gutierrez sa mga kapwa peryodista, samantalahin ang pagkakataong palisensyahan ang pag-aaring baril, kasabay ng giit na mas mainam magsiguro kesa malagay sa peligro.
Ang LTOPF caravan ay bahagi ng isang buwang aktibidad ng NPC kaugnay ng anibersaryong may temang “Strong and Resilient @69.” (LILY REYES)
