LUMALALA GUTOM SA PINAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAKABABAHALA ang bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nasa 27.2 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan, ang pinakamataas mula Setyembre 2020.

Ang bilang ng mga pamilyang nakaramdam ng gutom at walang kahit anong makain minsan sa nakalipas na tatlong buwan ay mataas ng 6.0 puntos sa 21.2 porsyento noong Pebrero 2025, at pinakamataas mula nang maitala ang 30.7 porsyento noong pandemya noong Setyembre 2020, ayon sa survey.

Sa Visayas pala pumalo nang husto ang kagutuman, na nasa 33.7 percent. Nasa 28.3 percent sa Metro Manila, 27.3 sa Mindanao habang ang nalalabing bahagi ng Luzon ay nasa 24 percent.

Ano na ang resulta ng mga programa ng pamahalaan para masolusyunan ang problema ng kagutuman? Imbes na bastante ay sikmurang walang laman ang nararamdaman.

Sa taas ng presyo ng bilihin at habang kakarampot ang kinikita ay gutom ang mararanasan.

Aaralin daw ng pamahalaan kung saan nanggagaling ang sinasabi na nagugutom pa ang ibang mga Pilipino at kung mayroon man pagkukulang ay maibsan ang ganitong klaseng mga sitwasyon. Dapat lang. Sinusubaybayan ang mga programa at binabantayan ang resulta nang makita kung may bunga.

‘Yang mga food stamp at Walang Gutom program ng pamahalaan ay mainam sanang pantawid ng mahihirap pero hindi lahat ng salat ay nabubundat.

Isa lamang ang problemang ito sa mga negatibong epekto ng pag-aaway-away sa gobyerno. Imbes kasi na magpokus ang mga halal ng bayan sa pagpapaunlad sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ay pansariling interes nila ang inaatupag.

Halalan na naman. Ibasura na sana ng mga botante ang mga kampo na nag-aaway-away at tingnan ang plataporma ng mga kandidato sa halip na kung kanino silang alyado. Mas malamang kasi na maglingkod sila hindi sa taumbayan kundi sa kanilang mga kapartido.

Magsilbing aral na sana ang sinapit ng UniTeam na napakalaking pambubudol sa mga Pilipino.

‘Di ba, inakala ng marami na kapag magkakampi ang ihahalal ay mapapabuti na ang bayan.

Pero hindi pa nga nag-iinit ang puwet sa puwesto ng magka-UniTeam ay nagbangayan na ang mga ito.

Tandaan, hindi lahat ng kandidato ay sinserong magbigay ng serbisyo. Mas lamang ang mga bolero.

25

Related posts

Leave a Comment