IKINASA kahapon ang dalawang araw na tigil-pasada ng grupong Manibela at Piston.
Sakop ng protesta ang mga lungsod sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na lalawigan.
Bagaman inihayag ng mga nagpoprotestang grupo na 80% hanggang 90% ng kanilang mga miyembro ang lalahok, marami pa ring pumasada.
Mas pinili ng ibang miyembro na pumasada dahil sa panghihinayang sa kikitain.
Sa press briefing naman sa Malakanyang, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na palaging handa ang departamento at iba pang ahensya ng pamahalaan sa ganitong mga senaryo.
“Yung strike, itong string ng Manibela at Piston pang-ilang beses na nilang ginagawa pero naipakita naman natin na ang DOTr at ang ibang mga agencies ay ready, prepared, dahil sa ngayon, napakarami na nung sumusuporta doon sa ating public transport modernization program,” ayon sa Kalihim.
Para naman kay DOTr Usec. Jesus Fernando Ortega, nagpapasalamat sila sa lahat ng miyembro ng Inter-Agency Task Force, sa laki ng tulong ng mga ito sa paghawak sa kaganapan na nagsimula kahapon at matatapos ngayong Martes.
“We are maintaining and continuing our program of zero stranded passengers sa nangyayari today, and malaki pong pasasalamat natin sa mga kasamahan natin sa different LGUs, MMDA, PNP.
Kasama rin po natin dito iyong ating mga tiga-LTO and LTFRB,” ayon kay Ortega.
Samantala, ikinagalak namang sabihin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na walang stranded na pasahero sa lahat ng spots na kanilang minomonitor.
Ipinunto naman ni Guadiz na kinikilala ng ahensya ang karapatan ng mga driver at operator na ipahayag ang kanilang hinaing.
Gayunman, panawagan nito na iwasang magdulot ng buhol-buhol na trapiko lalo na sa major thoroughfares. (CHRISTIAN DALE)
155
