Ni ANN ENCARNACION
TAHASANG sinabi ni Bay Area player Hayden Joel Blankley na ‘luto’ o may dayaang naganap sa PBA Commissioner’s Cup finals, Miyerkoles kung kailan nagwagi ang Barangay Ginebra, 89-82.
Sa kanyang Myday post sa Instagram, hiningi ng Bay Area forward ang patas na laban sa best-of-seven finals kontra Ginebra, lamang na ngayon sa 2-1 win-loss record.
“Got nothing but love for the Philippines and its people, but at this point it’s obvious, just let it be a fair game, please,” wika niya.
Dagdag ni Blankley, nagtala ng 10 puntos at anim na rebounds ngunit may 4-of-11 lang mula sa field sa Game 3: “As the locals would say – it’s ‘cooked.”
Si Dragons coach Brian Goorjian, natawagan ng technical foul sa pagrereklamo sa kasagsagan ng laro, tumanggi nang magkomento tungkol sa PBA officiating.
Kabuuang 38 free throws ang iginawad sa Gin Kings kumpara sa 10 lang sa Dragons, na wala nang nagawa sa biglaang ‘comeback’ ng una.
Aminado si Kings coach Tim Cone, walang naging tama para sa team sa halos buong laro kaya’t maging siya ay nagulat at naaliw nang masikwat ang panalo sa harap ng nagbubunying 15,004 mga nanood sa MOA.
Nagsagawa ng 13-0 run ang Ginebra sa fourth sa pangunguna nina Justin Brownlee at LA Tenorio, habang binasag ni Scottie Thompson ang 79-79 tabla nang maisahan sa tip-in si Bay Area’s Andrew Nicholson at naipasok ni Jamie Malonzo ang tres na nagpanalo sa Kings.
Malalaman 5:45 ng hapon ngayong Biyernes sa Game 4 sa MOA pa rin, kung makakatabla ang Dragons o matatatluhan sila ng Kings.
