PUNA ni JOEL O. AMONGO
KUNG gusto natin ng pagbabago ay magkaisa tayo kung ano ang gusto nating mangyari sa ating bansa, ‘wag natin hahaluan ng pulitika.
Maging dilawan, pulahan, at pinklawin man tayo ay iwasan muna natin kung sino man ang sinusuportahan nating politiko.
Sa panahon ngayon ay dapat magkaisa tayo, labanan natin ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang korupsyon ngayon sa pondo ng bayan ay walang pinipili, lahat tayo ninakawan, maging dilawan, pulahan, at pinklawan ka man.
Lahat tayo ay nakikita natin na tila walang linaw na maparurusahan ang mga malalaking isda, dahil nakasentro lamang sila sa mga kontratista at sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Wala man lang indikasyon na masampahan ng kaso ang mga mambabatas, may mga lumabas pang balita na posible raw gawing witness si dating House Speaker Martin Romualdez.
Kung gagawing witness si Martin Romualdez, sino ang kanyang ituturo na mas mataas sa kanya?
Wala namang ibang mas mataas kay Martin Romualdez kundi ang kanyang pinsan na si Pangulong Junjun Marcos.
Kamakailan, sinabi ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na hindi naman niya magagawa ito kung siya lang mag-isa.
May tama si Zaldy Co, hindi niya magagawang mag-isa ang pagtipa ng panukalang batas para sa national budget.
Kaya ang hindi pag-uwi ni Zaldy Co para humarap sa mga pagdinig sa Pilipinas, ay pabor sa mga nakinabang sa pondo ng flood control projects. Sabi pa ni Senator Rodante Marcoleta, “Ligtas na kayo!”.
Ngayon, dahil nakikita ng mga nasasangkot sa katiwalian na hindi tayo nagkakaisang mga Pilipino, ay malakas ang loob ng mga utak ng flood control project anomalies at naniniwalang hindi sila mapananagot.
May mga nagsasabi na ayaw panagutin si Pangulong Junjun Marcos sa nangyayaring korupsyon sa pamahalaan sa kabila na malinaw naman na pinirmahan niya ang 2025 National Budget.
Marami ang nagsasabing may mga blangko sa Bicam report, subalit pagdating nito kay Pangulong Marcos, ay pinirmahan pa rin sa kabila na may isiningit na mahigit P400 bilyon.
Maging si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ay sinabi na hindi pwedeng walang pananagutan si Junjun Marcos sa korupsyon ngayon dahil pinirmahan niya ang 2025 National Budget.
Kaya maraming showbiz personality ang nanghihinayang na magbayad ng kanilang buwis dahil ninanakaw lang naman ng mga mambabatas pa.
Ayon pa sa kanila, sila ay sapilitang kinakaltasan ng buwis tapos ang mga kurakot na mga politiko ay walang kaltas para sa buwis sa kanilang mga ninanakaw na bilyong pisong pera ng mga Pilipino, unfair daw para sa kanila.
Kaya magkaisa tayong mga Pilipino, dahil hindi lang ang mga pro-Duterte, kundi lahat tayo ay ninakawan nila.
Kalimutan muna natin ang kulay-pulitika sa usapin ng korupsyon, magkaisa tayo sa panawagan na mapanagot ang mga mambabatas na nagnakaw ng ating pera.
Oo, sabihin na natin na kakampi ni Junjun Marcos ang mga nagnakaw ng pera ng bayan, eh ano kung kakampi niya, gumagawa siya ng kasalanan, panagutan niya.
Kung hindi tayo magkakaisa sa pagtugis sa mga magnanakaw, kung hindi sila magkakaroon ng leksyon, magpapatuloy lang sila sa kanilang masamang gawain.
Hindi rin naman tayo maka-aasa na gagawa sila ng batas laban sa kanila, kaya wala rin mangyayaring magandang resulta ang anomang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga matataas na opisyal ng gobyerno kasama na ang elected officials na magnanakaw. Sila ‘yun eh!
Hindi rin maisasabatas ang firing squad na ipinanukala ng isang kongresista laban sa gov’t officials na mga magnanakaw.
Pagkakaisa ang pinakamabisang sandata ngayon ng mga Pilipino laban sa korupsyon, wala nang iba.
oOo
Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
8
