MAG-AAYUDA SA NONQUALIFIED BENEFICIARIES PARUSAHAN

INIHAIN ni Senador Erwin Tulfo ang panukala na magpapataw ng parusa sa mga kawani ng gobyerno na magpapatupad ng diskriminasyon at mayroong kikilingan sa pamimigay ng ayuda ng gobyerno.

Alinsunod sa panukala, makukulong ng isa hanggang anim na taon at hindi na rin makakabalik sa gobyerno ang mga kawani na mapatutunayang nagbigay ng ayuda sa mga hindi kwalipikadong benepisyaryo kabilang na ang cash, food stubs, medical-livelihood o relief packages.

Kahalintulad na parusa rin ang ipapataw kapag tinanggal sa listahan o hindi binigyan ng ayuda ang mga talagang kwalipikadong beneficiaries at kapag ginawang prayoridad ang kanilang mga kamag-anak na hanggang third degree o mula sa kanilang immediate family hanggang sa lolo o lola, pinsan, tiyahin o tiyuhin at pamangkin.

Sinabi ng mambabatas nakatanggap siya ng maraming reklamo ukol sa mga kawani ng gobyerno na namimili ng beneficiaries batay sa kanilang personal considerations.

Binigyang-diin ng mambabatas na labag ito sa prinsipyo ng transparency at accountability kung saan dapat laging tiyakin ng gobyerno na tiyaking makatwiran ang distribusyon ng ayuda.

(DANG SAMSON-GARCIA)

53

Related posts

Leave a Comment