MAG-INA PATAY SA SUNOG

ILOILO – Kapwa namatay ang isang mag-ina nang ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa San Vicente Village, Brgy. Poblacion, sa bayan ng Leganes sa lalawigang ito, nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng Leganes PNP at Iloilo Bureau of Fire Protection, kinilala ang mag-ina na sina Vivien Ganon, 48-anyos, Anthony Kim Ganon, 21-anyos.

Nakalundag naman mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay tungo sa kanyang kaligtasan ang menor de edad na anak ni Vivien na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection Leganes, nakulong ang mag-ina sa kanilang kwarto sa ikalawang palapag habang nakatalon naman ang menor de edad.

Sa isinagawang clearing operation nang maapula ang apoy, nadiskubre ang bangkay ng mag-ina sa ilalim ng steel bed na nasa ground floor ng bahay makaraang bumagsak ang ikalawang palapag dahil sa sunog.

Ayon sa arson probers, yari sa concrete materials ang unang palapag ng bahay ngunit gawa naman sa light materials ang second floor nito.

Hinihinala ng mga imbestigador na nagmula ang sunog sa ground floor kaya na-trap ang mga biktima.

Inaalam pa sa pagsisiyasat kung ano ang posibleng sanhi ng sunog. (JESSE KABEL)

500

Related posts

Leave a Comment