AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
MULI nating pinaalalahanan ang ating mga kababayan na mag-ingat sa mga scammer na laging nakaabang sa kanilang mabibiktima.
Pinag-iisipan ng mga scammer na ito kung paano sila makapambibiktima gamit ang iba’t ibang social media platforms.
Nariyan ‘yung magpopost sila ng mga produkto na kunwari ay orihinal, subalit pag-umorder ka, ang darating sa ‘yo ay peke.
Nariyan din na may magme-message sa kanilang bibiktimahin na sasabihin na may ipinadala sa kanyang package o balikbayan box na nakabinbin sa Bureau of Customs.
Ang scammer ay magpapanggap na empleyado ng customs at sasabihin sa kanyang bibiktimahin na magbayad ito para mailabas o makuha ang padala para sa kanya.
Sasabihin ng scammer sa biktima kung paano at saan niya dapat ipadala ang bayad sa balikbayan box nito.
Marami pang iba’t ibang uri ng scam simula nang magkaroon ng internet sa bansa.
Kaya dahil sa pagdating ng internet sa bansa, marami ang nagkaroon ng trabaho, scammer man o legal.
Napabilis din nito ang mga transaksyon, illegal man o legal.
Sa katunayan, pinaiimbestigahan ngayon ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang hinggil sa umano’y kumakalat na scam sa “retina scan” gamit ang World App na konektado sa world coin, at nanghihikayat sa mahihirap kapalit ng halagang P2,000.
Sa “Balitaan sa Tinapayan” forum sa Sampaloc, Manila kamakailan, sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na walang permiso mula sa kanilang tanggapan ang programang ito kaya mahigpit na pinagbabawalan at pinag-iingat ang publiko dahil sa isyu ng data privacy at fraud.
Ito ay kasunod ng pagkakasangkot ng isang alkalde mula sa North Luzon na nanghihikayat umano sa kanyang mga botante na magpa-retina scan kapalit ng halagang P2K.
Ayon sa impormasyon, delikado ang retina scan dahil ito ay illegal at walang pahintulot mula sa National Privacy Commission (NPC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Kung kaya’t pinaalalahanan ng DICT ang sinoman na huwag idahilan
ang kahirapan para maloko at mailagay sa panganib ang kanilang kinabukasan.
Sa mga scammer, bakit hindi kayo lumaban nang patas? Kawawa naman ang inyong mga nabibiktima, kapwa naman nating silang mga Pilipino.
oOo
Binabati pala natin si Valenzuela City Chief of Police PCol. NIXON CAYABAN, Lakan Kabalikat Class of 1998, na pinarangalan ng Gawad sa Natatanging Lakan (Special Commendation Award) ng Philippine National Police Academy Alumni Association Incorporated. I salute you, Sir!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
