ARESTADO ang lima katao, kabilang ang isang magkapatid, sa dalawang magkasunod na buy-bust operation sa Muntinlupa City.
Naunang naaresto sa Dahlia St., Brgy. Alabang, Muntinlupa City dakong alas-10:30 noong ng Huwebes sina Christopher Ison at Lorna Simacio dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Habang dakong 12:15 ng madaling araw noong Biyernes, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drugs Enforcement Unit, na pinamumunuan ni P/Maj. Peter C. Aquino, sa parehong kalye at natimbog ang tatlong suspek na sina Jacquelyn Ison, ate ni Christopher; Shiela Mae Roque at Jaime Florano.
Nakuha kina Christopher at Lorna ang 1.1 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P7,480 ang halaga. Habang nakumpiska sa ate nitong si Jacquelyn, sa senior citizen na si Florano at kay Roque ang 1.4 gramo ng shabu na P9,520 ang street vaue.
Dinala sa SPD Crime Laboratory ang nakumpiskang mga droga para sa chemical analysis habang ang limang suspek ay ikinulong sa Police Detention Facility habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DAVE MEDINA)
