NAKARATING sa PUNA na isang opisyal daw ng Quezon City government na nakabase sa Novaliches ang namemerwisyo sa mga nagtitinda ng baboy sa mga palengke na nasa nasabing lugar.
Nagiikot daw ang ilang tauhan nito para kausapin ang mga tindero’t tindera ng karneng baboy sa mga palengke sa Novaliches para takutin na ipasasara ang kanilang negosyo kung hindi ito sa susunod sa kagustuhan nya.
Itago na lang natin sa pangalang “Janet” ang nagsumbong sa PUNA na isa sa kinausap ng tauhan ng QC official na ito.
Binantaan daw siya na ipasasara ang kanyang negosyo kung hindi ito susunod sa sinabi ng opisyal, ayon sa pagkakasabi sa kanya ng tauhan nito.
May negosyo raw kasi ang hunghang na opisyal na ito na isang slaughter house kaya gusto niya lahat ng may negosyong karne sa Novaliches ay sa kanya bibili.
Kaya pala, ang tibay ng dibdib mo mama. Ngayon ka pa gumawa ng ganyan na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaupo.
Baka gusto mong mahagip ng latigo ni PRRD lalo na at sinisikil mo ang kalayaan ng mga magbababoy sa kanilang gustong bilhan ng kanilang mga paninda. Alalahanin mo galit si PRRD pag ordinaryong mamamayan ang inaapi ng government official.Bakit hindi mo sila bigyan ng kalayaan kung saan nila gustong bumili ng kanilang mga panindang karne?
Mantakin nyo mga ka-PUNA, hindi bababa ng apat na palengke mayroon ang Novaliches kung makukuha niya lahat ng mga mangangarne.. este mali parang iba ata ang ibig sabihin nyan.
Mangangarne, sila pala ang nagkakatay ng baboy, kalabaw at baka.
Mga tinderot-tindera pala sila o retailer ng karne na may mga puwesto sa mga palengke. Abay! tabo ng pera si sir.
Pag pasok ka kay sir, malaya kang makakapagtinda sa Novaliches kahit saan pang palengke hindi ka na siyempre peperwisyuhin ng mga goons…este tao ni sir.
Ganyan ba ang mga honorableng opisyal nakakaperwisyo sa taumbayan?
Minsan na raw nahulihan ng illegal connection ng kuryente ang negosyo ni sir, siyempre ayos na ngayon, opisyal eh.
Dati ring hampas lupa si sir, sa kalye lang din siya nagnenegosyo ng lugaw pero ngayon dahil nagkapera na, siya naman ang namemerwisyo sa kapwa niyang manininda noong araw.
Isumbong kaya natin si Sir sa mga kaibigan nating manggugupit nang matalakay sa kanilang “kwentong barbero” at makarating sa mga kinauukulan para maimbestigahan at masilip na rin ang slaughter house nito kung malinis at sumusunod sa tamang pamamaraan ng pagkatay.
Ang pinakatsismoso kong friend na mahilig sa kwentong barbero ay si JV a.k.a Mang Tonio.
Sa tagal na nitong barbero ay marami nang nagupit na tenga itong si Mang Tonio.
Siguro pag ito ang nagkwento ay aabot hanggang sa Palasyo ng Malakanyang ang pinaggagawa nitong opisyal ng QC sa mga magbababoy.
Hindi pa raw na nakukuntento sa dami ng pera itong opisyal dahil may kainan din daw ito sa bayan at malakas pa ang mga ito.
Hala sige Mang Tonio isiwalat mo ang raket nitong opisyal kawawa naman ang mga taga-bayan na kinalakhan ko.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
135
