MAGDADALAWANG TAON nang hindi nakita ng mga estudyante ang kanilang eskuwelahan dahil sa COVID-19 at magdadalawang taon na ring hindi nila nakita nang personal ang kanilang mga classmate.
Pero may mga senyales na malapit nang masilayan muli ng mga estudyante ang kanilang sinisintang paaralan at makikila na rin nila nang personal ang kanilang mga kaklase.
Ngayon pa lamang ay Excited na ang mga estudyante. Kahit ‘yung pala-absent noon biglang nasabik na pumasok sa eskuwelahan… siguro dahil hindi sila maka-absent sa kanilang bahay sa loob ng 23 buwan.
Bumababa na kasi ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa at itinuturing na lamang ito ng maraming eksperto na endemic o tulad ng mga common flu na taon-taon ay nararanasan ng mga tao.
Bawas na ang pag-aalala dahil kahit magkaroon ka ng COVID-19 ay meron nang gamot na available tulad ng mga gamot sa karaniwang sakit kagaya ng ubo, lagnat, sakit ng ulo at trangkaso.
Mga senyales na puwede nang buksan uli ang mga paaralan… ‘yan ay kung seryoso ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na ibalik na ang face to face classes sa lalong madaling panahon.
Pero sa totoo lang, dapat seryosohin na ang face to face classes at hindi lang sa mga pilot school kundi sa lahat ng paaralan sa bansa dahil iba pa rin na nasa loob ng silid-aralan ang mga estudyante kumpara sa sistemang distance learning na halos wala silang natututunan.
Sa silid aralan, kahit papaano ay matututukan ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa pagbabasa, pagsusulat, pag-intindi sa binabasa at kung ano-ano pang dapat nilang matutunan.
Ang alam kong natuto lang sa distance learning kahit papaano pero kulang pa rin ay ‘yung mga naka-enroll sa private school dahil mayron silang schoology na wala sa mga public school.
Sa distance learning, hindi alam ng mga guro kung may natutunan ba ang mga estudyante at ‘yung ipinapasa nilang sagot sa module malay ba nila kung ang mga bata ang sumagot dun o ang kanilang mga magulang.
May mga magulang na masyado na ring naabala dahil nadagdagan ang kanilang trabaho sa distance learning. Bukod sa kailangan nilang maghanapbuhay, kailangan nilang turuan ang kanilang mga anak.
Kaya pakiusap po sa DepEd at CHED, ituloy na ang pagbubukas sa mga paaralan, maawa na kayo sa mga estudyante.
193 