MAGPINSAN SINAKSAK NG KAINUMAN

LAGUNA – Patay ang isang binata habang malubhang nasugatan ang pinsan nito matapos saksakin ng kanilang kainuman na napikon sa biruan sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.

Hindi umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si John Ivan Payaga Sahagun, 20, matapos matadtad ng saksak sa katawan.

Nasa malubhang kalagayan naman ang pinsan nito na si Johnsel De Villa Payaga, 23, na itinakbo sa Laguna Provincial Hospital sa bayan ng Sta. Cruz dahil sa maselang kalagayan matapos malapatan ng pangunang lunas sa Gen. Cailes Memorial District Hospital sa bayan ng Pakil.

Batay sa report ng Sta. Maria police, kainuman ng dalawa ang suspek na si Jomar Dimayuga Ramos, 33, taga Balite, Batangas, sa bahay ng isa sa mga biktima sa Brgy. Laurel, Sta. Maria bandang alas-10:00 ng gabi.

Ngunit napikon ang suspek sa umano ay garapalang pagbibiro ng dalawa kaya’t bigla na lamang naglabas ng kutsilyo at inararo ng saksak ang dalawa.

Makaraan ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek na nahaharap sa kasong homicide at frustrated homicide. (NILOU DEL CARMEN)

287

Related posts

Leave a Comment