CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PALAISIPAN sa marami ang biglaang pagpunta ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa China.
Ibinalita mismo ng Chinese state broadcaster na CCTV na nakipagpulong si Chinese Pres. Xi Jinping kay Duterte sa Beijing, China nitong Lunes, July 17.
Walang balita mula sa Palasyo na inatasan si Duterte ng administrasyong Marcos na mamagitan sa China sa gitna ng patuloy na pagdagsa ng mga barko nito sa bahagi ng South China Sea at patuloy na pangha-harass sa mga Pinoy partikular sa Philippine Coast Guard.
Kaya anong kapasidad mayroon si Duterte para sa nasabing pulong? Hindi kaya inihahanda na niya ang sarili sa ‘pagtakas’ sakaling ituloy ng International Criminal Court ang pag-iimbestiga sa kanyang madugong drug war?
Ibig bang sabihin ay wala talaga siyang tiwala kay Marcos Jr. kaya kailangan niyang tumakbo sa China para makaiwas sa paghahabol ng ICC?
Sabagay nung kampanya lang ‘yun UNITY.
Abangan ang susunod na kabanata, ika nga.
**Logo-vernance ni BBM**
Nahuhumaling na ata ang mga ahensya ng pamahalaan sa paggawa ng bagong logo na simbolo ng kanilang adhikain para sa mga tao.
Kung para sa tao nga, aba kasado ako diyan. Pero malamang higit ang para sa tumatao.
At hindi nagpatalo ang pambansang gobyerno, na naglunsad ng bagong tanda na tinawag na “Bagong Pilipinas.”
Bagong tatak ng anak na halaw sa dating marka ng ama.
Kasabay ng slogan ang logo na sumisimbolo sa hangarin ng administrasyong Marcos, Jr. para sa kaunlaran daw ng bansa.
Puro simbolo ang ibinabalandra ng gobyerno, ngunit hindi tunay na larawan ng totoong motibo at nangyayari.
Sige na nga, ikalat, ipaskil at ipagamit na ang logo sa bawat national government agencies (NGAs), GOCCs at SUCs.
Sabagay hindi naman daw gumastos ang gobyerno sa paggawa ng logo ng Bagong Pilipinas. At ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang logo ay ginawa mismo ng ahensiya alinsunod sa nakapaloob sa heraldic code.
Pwede palang gawin mismo ng ahensya, bakit milyon pa ang sinunog ng DOT sa logo na walang katorya-torya. Ayun, nakatikim tuloy ng hambalos sa social media.
Siguro kung hindi natisod ang logo ng PAGCOR ay bayad-logo din ang BP.
Logo din lang usapan, bat kasi ‘di na lang magsagawa ng slogan at logo contest ang pamahalaan at mga ahensya. Maglaan ng gantimpala, na kapiranggot na bahagdan lang naman ng milyones na bayad sa “magagaling” mag-design.
Ang daming sasali, panigurado ‘yan. Hitik ang Pinas sa malikhain at malikot ang utak na mga artist.
Ayaw kasing paganahin ng mga nasa poder ang kanilang utak sa pagpaplano ng simple at hindi magastos na disenyo.
