MAGTIYUHIN HULI SA RAPE-SLAY SA 2 BATA SA BULACAN

TINIYAK ni PNP chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa pamilya ng dalawang batang pinaslang sa San Jose Delmonte, Bulacan, na ang isa ay ginahasa, na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng mga biktima.

Ito ay matapos na matukoy at madakip ang prime suspect at ang stepson nito na sinasabing nasa likod ng pagpatay sa 11-anyos na batang babae at 8-anyos na batang lalaki sa magubat na bahagi ng San Jose del Monte.

“Matibay ang mga lead at ebidensiya na hawak ng mga imbestigador natin na posibleng magturo sa salarin. Hindi titigil ang PNP hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa kasong ito,” ani Eleazar.

Kinilala ng heneral ang dalawang suspek na si Romeo Ruzon, 41, at isang 17-anyos na stepson nito, kapwa kapitbahay ng mga biktima.

Inimbitahan ang mga suspek matapos maging ‘persons of interest’ base sa nakuhang mga ebidensya sa pinangyarihan ng krimen.

Sa gitna ng interogasyon, inamin ng mga suspek ang pagpatay sa mga biktima.

Nakatulong sa imbestigasyon ang narekober na mga goma sa crime scene na ginagamit sa paggawa ng walis na trabaho ng mga suspek.

Inamin din ng dalawa na hinalay nila ang babaeng biktima bago ito pinatay.

Pinukpok ang mga ito ng matigas na bagay sa ulo na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Hinihintay pa ng PNP ang resulta ng drug test sa mga suspek upang malaman kung sabog sa droga ang mga ito nang mangyari ang krimen.

Nakakulong na ang dalawa sa San Jose del Monte City PNP detention facility at nahaharap sa kasong rape with homicide at murder.

Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa bakanteng lote ng Barangay Graceville ng nasabing lungsod noong May 12. (JESSE KABEL)

312

Related posts

Leave a Comment