MAHALAGANG PAPEL, GAGAMPANAN NG CSOs SA HALALAN 2022

ANG paghihigpit sa paghahain ng kandidatura, pangangampanya, pati na ang bilang ng mga botanteng papayagang pumasok sa loob ng presinto para bumoto ay ilan lamang sa mga limitasyong ipatutupad ng Commission on Election (Comelec) sa kanilang inilabas na panuntunan kaugnay sa “new normal” na pamamaraan sa gaganaping pambansang halalan sa susunod na taon.

Bunga ng inilatag na paghihigpit, itinutulak ng Comelec ang paglahok ng civil society organizations (CSOs) sa gaganaping pangangampanya sa halalan partikular sa mga lugar na kinakailangan ang kaalaman ng mga botante upang maipaabot kaagad ang mahalagang impormasyon na kailangan nilang malaman.

Ito ngayon ang isyung nais harapin ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Rep. Florida “Rida” Robes sa isinagawang online forum na may titulong “Imagining the 2022 National Elections: The Many Ways the COVID-19 Pandemic Can Impact on the Electoral Process”.

Sinabi ni Robes na inorganisa niya ang pagtitipon upang itaas ang kamalayan kung paanong ang pandemyang dulot ng COVID-19 ay makapagpapabago sa paglahok ng publiko sa halalang 2022.

Pinapurihan naman ni House Speaker Lord Allan Velasco ang naturang forum sa pagsasabing ito’y napapanahon upang timbangin ang panawagan ng publiko para sa malaya at demokratikong halalan at ang pangangailangang maging ligtas ang lahat sa panahon ng krisis.

Kabilang naman sa mga lumahok sa forum sina dating Commissioner Luie Tito Guia, Comelec Spokesperson James Jimenez at Malou Tiquia ng Publicus Asia Inc.

Sinabi ni Jimenez na dahil sa resulta ng pandemya, lilimitahan lamang sa limang botante, mula sa dating sampu ang papayagang makapasok sa loob ng presinto para bumoto, maliban sa tatlong miyembro ng board of election at isang watcher.

“That is the most extreme that may happen, this is not final and we are discussing this and so we want all voters to be able to finish voting at the earliest possible time so we can accommodate more voters. That is why we want that voters know who to vote for once they enter the precinct. This is why voter education is important,” ani Jimenez.

Bunga ng paglilimita sa bilang ng mga taong papayagang pumasok sa presinto para bumoto, palalawigin ng Comelec ang oras ng botohan mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Mayo 9, 2022.

Idinugtong pa ni Jimenez na pahihintulutan din makaboto ang may mga sintomas ng COVID-19 bagama’t sa bukod na Isolation polling place sila boboto bilang bahagi ng pag-iingat sa ipinatutupad na panuntunan kaugnay sa kalusugan at kaligtasan.

“They will be allowed to cast their votes but they will be separated from the general population. This way they will be able to exercise their right of suffrage because obviously having Covid is not disqualifying and at the same time the rest of the voters will be kept safe,” dugtong pa ni Jimenez.

“This strategy actually worked,” sabi pa ni Jimenez dahil nasubukan na aniya nila ito nang ganapin ang plebisito sa Palawan at naging matagumpay naman.

Hihigpitan din aniya ang mga isasagawang campaign rallies, maramihang pagtitipon na may kaugnayan sa halalan, pati na sa canvassing, bilang hakbang sa pagpapatupad ng kaligtasang pangkalusugan.

Sinabi naman ni Guia na ang kanyang grupong Lawyers League for Liberty of Libertas ay kasama rin sa pagtuturo sa mga botante, pati na sa reporma sa pagdaraos ng halalan at pagmomonitor sa panahon ng halalan.

Dapat aniyang maging aktibo ang mga CSO sa pagganap sa voter education sa pamamagitan ng paghimok sa mga botante na magparehistro, lalo na ang mga kabataan at ang pagkakaloob ng mahalagang impormasyon sa mga kandidatong tatakbo sa iba’t ibang posisyon, maging pambansa o lokal na antas.

Sinabi naman ni Jimenez na tatanggap ang Comelec ang mga kawani mula sa CSOs na silang susuri at tutulong sa mga botanteng papasok sa mga presinto, pati na ang paghahanap sa mga polling place ng bawat botante upang mabatid kaagad ang kanilang patutunguhan na mabisang paraan upang maiwasan ang pagkukumpul-kumpulan.

Sa panig naman ni Tiquia, sinabi niya na dahil sa COVID-19, ginawa nang digital ng marami ang paraan ng pangangampanya kung saan mahalaga rin ang magiging papel ng CSOs. Ipinunto niya na maaaring bumuo ang CSOs ng maayos na relasyon sa mga botante sa pamamagitan ng relational database sa social media. (CESAR BARQUILLA)

 

350

Related posts

Leave a Comment