MAHARLIKA INVESTMENT FUND BILL PINABABALIK SA PLENARY DISCUSSION

KASUNOD ng isyu sa magkaibang probisyon sa Maharlika Investment Fund Bill, pinayuhan na ng tatlong dating Senate President ang kasalukuyang Kongreso na ibalik na lamang sa plenaryo ang panukala upang maisaayos ang mga problema.

Sinabi ni dating Senate President at ngayo’y Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat bawiin na ang approval sa kontrobersyal na panukala para mas maiwasto ang mga kinukuwestyong bahagi nito.

Iginiit ni Pimentel na tanging ang mga mambabatas ang dapat na magsaayos sa dalawang seksyon dahil kung ipauubaya ito sa secretariat ay posible itong mauwi sa falsification ng legislative documents.

Nagbabala naman si dating Senate President Tito Sotto na kung ipipilit ang inaprubahang panukala at nilagdaan ito ni Pangulong Bongbong Marcos bilang batas ay maaaring maging malaki ang laban ng mga kritiko ng panukala sa sandaling iakyat ito sa Korte Suprema.

Sinabi ni Sotto na posible pang ideklara ito ng Korte Suprema na unconstitutional dahil sa magulong mga seksyon.

Katulad naman ni Sotto, ipinaliwanag ni dating Senate President Franklin Drilon na ang maaari lamang isalang sa pagsasaayos ng secretariat ng Kongreso o ang tinutukoy na perfecting amendments ay ang mga typo error, mga maling comma, period o ang numbering ng mga seksyon na dapat pang ipaalam sa Senate President.

Sa ngayon anya ang opsyon na maaaring gawin ng kasalukuyang Kongreso ay bawiin ang approval ng panukala, magsumite ng resolution para muling isalang sa amendments at saka ito muling aprubahan sa third and final reading.

Gayunman, iginiit ng mga dating senate president na maaari itong gawin ng Kongreso sa sandaling magbalik na muli ang sesyon sa Hulyo maliban na lamang kung magpapatawag ng special session ang Pangulo ng bansa.(Dang Samson-Garcia)

219

Related posts

Leave a Comment