DISMAYADO ang Makabayan bloc sa pahayag ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na hindi “special” ang impeachment kay Vice President Sara Duterte kaya hindi kailangang magpatawag ng special session.
Ayon sa mga miyembro ng Makabayan bloc na sina representative France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel, walang ibang nakikinabang umano sa ganitong posisyon ni Escudero kundi si Duterte kaya malabong mapanagot ito sa pagwawaldas sa kaban ng bayan.
“Impeachment is undoubtedly special as it is a constitutional process specifically designed to hold the highest officials of the land accountable for their actions,” punto ni Castro.
“Ang pag-impeach ay hindi ordinaryong proseso. Ito ay isang natatanging mekanismo na itinatag ng Konstitusyon upang siguraduhin na ang mga pinakamataas na opisyal ay mananagot sa kanilang mga kasalanan,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag nito na kaya may impeachment para sa mga piling opisyales ng gobyerno ay para mapanagot ang mga ito sa kanilang mga kasalanan sa bayan kaya hindi naayon aniya ang pahayag ni Escudero na hindi ito ‘special’.
“How can Senate President Escudero claim that a process concerning the accountability of the second highest official of the land is not special? Kung hindi special ang impeachment, ano pa? This position only serves to protect Vice President Duterte from facing the serious allegations against her,” ayon naman kay Brosas.
Dahil dito, kailangan na aniyang mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang magpatawag na special session upang wala ng dahilan ang liderato ng Senado na i-delay ang prosesong ito.
Habang tumatagal aniya ang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Duterte ay lalong papabor ito sa kampo ng pangalawang pangulo at posibleng hindi ito mapanagot sa kanyang mga atraso sa bayan.
“The administration’s reluctance to move forward with the impeachment process raises serious questions about its commitment to accountability. Ang bawat araw na dumadaan ay isang araw na pinapatagal ang hustisya at pinapalakas ang kampo ni Duterte,” susog naman ni Manuel.
Nagkaisa ang tatlong mambabatas sa pahayag nilang hindi dapat ipagkait sa mamamayan ang kanilang karapatan na makita kung paano mananagot ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa kaya dapat simulan na ang paglilitis sa lalong madaling panahon. (PRIMITIVO MAKILING)
