KUMPARA kay Vice President Sara Duterte, may resibo ang oposisyon partikular na ang Makabayan bloc sa P125 milyong confidential funds noong 2022 na ginastos niya sa loob lamang ng 19 araw.
Ito ang iginiit ni ACT party-list Rep. France Castro matapos sabihin ni Duterte na bunga lang ng maruming imahinasyon nila ni Sen. Risa Hontiveros na illegal ang confidential funds na natanggap nito mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“We have only ever spoken facts about the P125 million Confidential Fund that Vice President Sara Duterte received and spent in 2022 even though this was not provided for in the national budget,” ani Castro.
Una aniya, walang inaprubahang CF para sa Office of the Vice President (OVP) sa 2022 general appropriations act (GAA) subalit sa report ng Commission on Audit (COA), tumanggap si Duterte ng nasabing pondo noong December 13, 2022 at naubos ito pagdating ng December 31.
Malinaw na ilegal aniya ito subalit imbes na ipaliwanag ni Duterte kung papaano at saan niya ginastos ang nasabing pondo ay nagtago ito sa saya ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso noong deliberasyon ng budget ng OVP.
Ipinaliwanag ni Castro na karapatan ng mamamayan na malaman kung papaano nagastos ni Duterte ang halos P7 milyon araw-araw.
Dahil dito, inatasan ni Castro ang COA na rebisahin muli kung saan ginamit ni Duterte ang nasabing pondo at kung kinakailangan aniya ay ipabalik sa taumbayan ang nasabing halaga.
(BERNARD TAGUINOD)
238