MAKALIPAS ang halos isang buwan sa ospital nang tamaan ng COVID-19, nakauwi na sa kanilang bahay si dating Pangulo at dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ito ang inanunsyo ni dating Sen. Jinggoy Etrada kaugnay ng kalagayan ng kanyang ama.
“Our family is overjoyed to announce that our father will finally be discharged from the hospital today,” ayon sa Facebook page ng batang Estrada.
Magugunita noong Marso 28 ay dinala sa ospital ang dating Pangulo nang magpositibo sa COVID-19 kaya agad na humingi ng panalangin ang pamilya nito sa publiko.
Noong Abril 4, 2021 ay inilipat na si Estrada sa ICU nang magkaroon ng pneumonia para sa high flow oxygen support ngunit kinabukasan, Abril 5, ay nilagyan ito ng ng mechanical ventilator.
Saka lang nagnegatibo si Estrada sa COVID-19 noong Abril 13, kaya inilipat ito sa recovery room mula sa ICU at nitong Lunes, Abril 26, ay pinauwi na sa kanilang bahay.
“We would like to express our gratitude to his doctors for their expertise and care. We would like to thank everyone who prayed with us and supported us through this harrowing experience,” ayon sa dating senador.
“But most of all, we would like to thank our Lord Almighty for His love and guidance through all of this. Muli, maraming maraming salamat sa inyong lahat,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
280
