Makalipas ang walong buwan 10K TABLETS ‘DI PA NABIBILI NG DEPED

HINAHANAP ng powerful BTS group ng Kongreso kung nasaan na ang 10,000 tablet na bibilhin ng Department of Education (DepEd) upang ipamahagi sa mga estudyante para gamitin sa online classes dahil sa pandemya dulot ng COVID-19.

Tahasang sinabi ni dating House Speaker at Taguig Congressman Alan Peter Cayetano na maski tablet na paracetamol ay wala silang nakikitang ipinamamahagi ng Kagawaran ng Edukasyon samantalang kabilang ang pagbili ng laptop o tablet sa P4 billion pondo na hawak ng ahensiya nang lumarga ang Bayanihan 1 at 2.

Binigyang-diin ng dating House Speaker na Agosto 2020 nang aprubahan sa Kongreso ang pagbili ng tablet o gadget subalit halos mag-iisang taon na walang naipamamahagi ang DepEd.

“Matatapos na ang taon at panibagong budget na naman ang pag-uusapan sa 2022 malamang lalong hindi na magagawa ang pagbili ng tablet, kailangan na ipaliwanag nila yan sa taumbayan kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pa rin yung inaasahang tablet ng mga estudyante,” ani Cayetano.

Bukod sa DepEd, isiniwalat pa ng dating House speaker na bilyong piso ang nasa bangko na nasa pangangalaga ng DSWD at ang malaking katanungan ng BTS group ay kung bakit kailangan pang magpanukala pa ng P10K ayuda sa Bayanihan 3 samantalang marami pang pera mula sa Bayanihan 1 at 2.

Ipinunto rin ni Cayetano na kung ano ang tama sa Bayanihan 1 and 2 ay kailangan na nasa Bayanihan 3 at kung ano ang mali sa Bayanihan 1 and 2 ay dapat itama.

Samantala, tinatayang 120 magsasaka at mangingisda ng Taguig City na umaasa ng kabuhayan sa Laguna de Bay ang nabigyan ng cash and food subsidy kamakalawa sa ilalim ng Marginal Farmers and Fisherfolks Program ng mag-asawang Cong. Lani at Alan Cayetano sa pakikipagtulungan din ng alkalde ng ungsod. (CESAR BARQUILLA)

399

Related posts

Leave a Comment