BULACAN – Kalaboso ang isang lalaki makaraang manaksak ng tatlo katao at mang-hostage ng isang menor de edad nitong Miyerkoles ng madaling araw sa bayan ng Baliwag sa lalawigan.
Batay sa ulat ng Baliwag City Police Station, isang tawag ang kanilang natanggap kaugnay sa nangyaring hostage-taking dakong ala-1:40 ng madaling araw sa Baliwag Public Market.
Kaagad namang nagresponde ang mga tauhan ng Baliwag City Police Station sa loob ng tatlong minuto at nakipagnegosasyon sa suspek subalit tumanggi itong sumuko.
Nang makakuha ng pagkakataon si PMSg. Francis Damia, dinamba nito ang suspek at naagaw ang patalim habang ligtas naman ang menor de edad.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, unang sinaksak ng suspek ang mangingisdang si alyas “Brando” at si alyas “Lenie” na nagkaroon ng bahagyang sugat sa sentido.
Kasunod nito, sinaksak din ng suspek ang isang guwardiya na si alyas “Vince” bago niya naging hostage ang isang menor de edad na si alyas “Raven.”
Sa ngayon, inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong attempted homicide in relation to RA 7610 o Child Protection Law, na isasampa sa suspek sa City Prosecutor’s Office ng Baliwag City.
(TOTO NABAJA)
