Makupad sa pamamahagi ng P2.63-M benepisyo ng HR victims CHR SINITA NG COA

PINAGALITAN ng Commission on Audit (COA) ang Commission on Human Rights (CHR) dahil sa palpak na pagkalinga sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ayon sa COA, hindi pa natapos ng CHR na ipamahagi ang P2.63 milyong ayudang pinansiyal sa 291 biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Umabot sa 60 porsiyento ng Community and Rehabilitation Financial Assistance (CRFA) ng CHR ang hindi pa natutugunan ng nasabing ahensiya, saad ng COA.

Ang pinuno ng CHR ay si Jose Luis Martin “Chito” Gascon na dating opisyal ng Liberal Party (LP).

Nadiskubre ng COA na mayroong claimants ng benepisyo na hindi alam ng CHR kung saan nakatira dahilan upang hindi maibigay ang kanilang ayudang pinansiyal.

“Had the CHR undertaken proper measures on the timely establishment of permanent contact number and address of the approved claimants, and processing of payments and request for additional fund early on, the benefits could have been given right away to the victims of human rights violations who were in dire need of financial assistance, thus the purpose of the grants, that is, timely humanitarian services from the government, is not defeated,” banggit ng COA.

Iminungkahi ng COA na pagbutihin ng mga tanggapan ng CHR sa mga rehiyon ang pangangalap ng mga imporasyon ng kanilang kliyente.

Batay sa CHR, Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang siyang may pinakamataas na ayudang pinansiyal na makukuha mula sa CHR sa halagang P1.27 milyon.

Ang National Capital Region (NCR) naman ang pinakamababa ang matatanggap sa halagang P720,000 para sa tatlong biktima ng karapatang pantao.

Umaasa ang COA na maitutuwid ng CHR na pinamumunuan ni Gascon ang pagkakamali ng ahensiya. (NELSON S. BADILLA)

236

Related posts

Leave a Comment