MALABNAW NA RASON

SWABENG pakinggan ang balik P9 na pamasahe sa mga pampasaherong jeep.

Ngunit ang iminumungkahi ng Department of Transportation (DOTr) na ilang diskwento sa pamasahe ng mga pampublikong transportasyon gaya ng jeep, bus at UV Express ay pansamantala lang, kapalit ng pagtanggal ng “Libreng Sakay” sa EDSA Carousel.

Ang kagustuhan ng DOTr na ibaba sa P9 ang minimum na pamasahe, mula sa kasalukuyang P12, sa mga tradisyunal na jeepney, at ibaba sa P11 ang ngayo’y P14 minimum sa modern minibuses ay pupukaw sa kalmado nang ‘pambiyaheng apoy’ na sumiklab dahil sa usaping PUV modernization at phase-out ng mga tradisyonal na jeep.

Ayon kay Transport Secretary Jaime Bautista sa memo na isinumite kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, paiiralin ang pre-pandemic fare matrix.

Ang planong diskwento ay mapanganib at posibleng humikayat muli ng tigil-pasada.

Ang ibatay ang minimum fare noong wala pang pandemya ay malinaw na hindi inaral nang husto ng mga ahensya ng transportasyon ang implikasyon at epekto ng mga kaganapan sa aspeto ng pananalapi, ekonomiya at inflation.

Ang basehan ng pasahe ay iniaakma o ibinabagay sa kasalukuyang sitwasyon, hindi sa lumipas na mga taon.

Malabnaw ang rason na pansamantala lang ito kapalit ng Libreng Sakay sa EDSA Carousel, at nangyayari habang nakabinbin pa rin ang posibleng phase-out ng mga tradisyunal na jeepney at UV Express matapos ang Disyembre 2023.

May naamoy ang iba na tahimik na benggansa ito ng nasa taas laban sa inisyal na tagumpay ng kontra sa modernisasyon at phase-out.

Mainam ang diskwento sa mananakay, ngunit bangungot ito sa mga drayber na nasusulasok sa amoy ng mahal na presyo ng petrolyo.

Tama ba ang hakbang ng mga ahensya ng transportasyon sa panahong mataas ang inflation?

Subsidiya at suporta ang kailangan ng mga tsuper at operator, hindi ang isang uri ng panggigipit.

Kailan maiisip ng mga otoridad ang solusyon na pakikinabangan ng lahat? Lahat ay panalo, walang maiiwang lupaypay.

Dapat pabor sa mamamayan ang mga nakaupo, at hindi ginigipit ang maghapong nasa timon ng pampasada.

149

Related posts

Leave a Comment