ITINANGGI ng Malacañang ang posibilidad ng “energy lockdown” sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, wala pang nakikitang dahilan ang pamahalaan upang magpatupad nito sa kasalukuyan.
“Sa ngayon po, wala po tayong nakikita,” ani Castro.
Sinabi rin ng opisyal na naglabas na ng mga panuntunan ang Department of Energy upang payagan ang paggamit ng mas murang fuel at dagdag na suplay ng kuryente mula sa iba’t ibang sources.
Idinagdag pa niya na pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission ang electricity market upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng kuryente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa ibang bansa upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng petrolyo.
Kamakailan, nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110, na naglalayong tugunan ang posibleng kakulangan sa suplay ng enerhiya.
Kasama sa mga hakbang ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang suportahan ang mga apektadong sektor.
Ayon kay Castro, nakikipag-usap na ang Pilipinas sa mga bansang tulad ng India, Argentina, at Canada bilang alternatibong pagkukunan ng langis.
Tiniyak din ng Malacañang na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang tinatawag na “worst-case scenario.”
Samantala, patuloy ring pinag-aaralan ang panukalang price freeze sa fuel products upang matiyak ang balanse sa pagitan ng oil industry at ng mga mamimili.
(CHRISTIAN DALE)
80 