MALACAÑANG IGINIIT ‘DUE PROCESS BAGO PARUSA’ SA FLOOD CONTROL SCANDAL

IGINIIT ng Malacañang na hindi puwedeng apurahin ang pagpaparusa sa mga sangkot sa flood control corruption scandal dahil kailangang igalang ang due process.

Sa press briefing sa sidelines ng ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi maaaring isakripisyo ang batas at karapatang pantao sa pagmamadali.

“Sa mga naiinip, ang pamahalaan po ay nasa tamang pagkilos na naaayon sa batas. Minamadali, oo — pero hindi pwedeng magmadali na lalabag tayo sa batas at sa human rights,” ani Castro.

“Kayo rin po ay mabibiktima kapag walang due process,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ay tugon sa panawagan ng mga business groups at trade unions sa Pangulo na gumawa ng “bold, concrete steps” laban sa korapsyon para maibalik ang tiwala ng publiko.

Sa inilabas na joint resolution ng Makati Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Employers’ Confederation of the Philippines, hiniling nilang bigyan ng buong kapangyarihan ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) para mag-imbestiga, kasuhan ang mga sangkot, at ilayo sa impluwensya ng mga pulitiko.

Dagdag ni Castro, kumilos na ang gobyerno simula nang isiwalat ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang SONA ang flood control anomalies.

“Na-freeze na ang assets ng ilang personalidad, may mga kaso nang isinampa, at may mga inilabas na immigration lookout bulletin orders,” ani Castro.

Sa isyu naman ng hold departure orders, nilinaw ni Castro na korte lamang ang may kapangyarihang maglabas nito.

(CHRISTIAN DALE)

22

Related posts

Leave a Comment