BUHAY na naman ang “American Dream” ng mga Pilipino matapos mahalal na pangulo ng United States (US) si dating Vice President Joseph “Joe” Biden.
Umaasa si House deputy speaker Johnny Pimentel na ang naudlot na ambisyon ng maraming Pilipino na makapagtrabaho sa Amerika ay muling magkakaroon ng katuparan sa ilalim ng Biden administration.
“There’s no question the anti-immigration policies of the outgoing administration of President Donald Trump made it more difficult for many foreigners, including Filipinos, to participate in America’s labor markets through all sorts of visa restrictions,” ani Pimentel.
Gayunpaman, naniniwala ang mambabatas na ngayong si Biden na ang mamumuno sa pinakamakapangyarihang bansa sa mundo simula Enero 20, 2021 ay mababago ang polisiya ng Amerika sa mga immigrant kasama na ang mga Pilipino.
“We are hoping that under Biden, the Philippines will soon be returned to the list of countries whose nationals are eligible to receive H-2A and H-2B visas,” ayon sa kongresista.
Sa ilalim ng Trump administration, nagpatupad ng one-year-ban ang US Department of Homeland Security sa pag-iisyu ng H-2A at H-2B visas sa mga Pilipinos mula noong Enero 19, 2019 hanggang Enero 18, 2020 dahil sa overstaying at human trafficking.
Nang matapos ang ban, naglabas ang U.S. Citizenship and Immigration Service noong Enero 16, 2020 ng listahan ng mga bansa na puwedeng makakuha ng H-2A at H-2B visa ang kanilang nationals ngunit hindi nakasama rito ang Pilipinas.
Pagbati ng Malakanyang
“Congratulations and we wish him all the best.” Ito naman ang agad ipinarating ng Palasyo ng Malakanyang sa pagkakapanalo ni Biden.
“On behalf of the Filipino nation, President Rodrigo Roa Duterte wishes to extend his warm congratulations to former Vice President Joseph “Joe” Biden on his election as the new President of the United States of America,” bahagi ng mensahe ng Malakanyang.
Ani Sec. Roque, ang Pilipinas at Estados Unidos ay mayroong “long-standing bilateral relations” at committed na mas paghusayin pa ang relasyon
sa Amerika sa ilalim ng Biden administration.
“We look forward to working closely with the new administration of President-elect Biden anchored on mutual respect, mutual benefit, and shared commitment to democracy, freedom and the rule of law,” ayon kay Sec. Roque.
Linggo ng umaga, oras sa Pilipinas nang ihayag ni Biden ang kanyang acceptance speech bilang ika-46 presidente ng Amerika.
Nauna rito, idineklara ng ilang international media outlet na panalo si Biden sa 2020 US elections nitong Linggo ng hatinggabi, oras sa Pilipinas.
Sa ilang news agency tulad ng NBC, Fox News at CNN, binigay na kay Biden ang panalo sa Pennsylvania, na may 20 electoral votes.
Ibig sabihin ay lumampas na sa 270 boto ang nasungkit ng dating bise presidente para makuha ang puwesto sa White House.
Sa naturang state, lamang ng 34,000 si Biden kontra kay incumbent US President Donald Trump na 99 percent na ang nabilang na boto.
Samantala, naglabas naman agad ng pahayag si Trump kung saan pinabulaanan nito ang report ng media tungkol sa pagkapanalo ni Biden.
Suporta sa WPS issue
Umaasa naman ang isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na susuportahan ni Biden ang Pilipinas sa laban nito sa West Philippine Sea (WPS) na inaangkin ng China.
Ginawa ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang nasabing pahayag matapos ideklara si Biden na nanalo sa katatapos na Presidential election sa Amerika.
“We expect emphasized and categorical support for the assertion of the ruling on the West Philippine Sea disputes by the Permanent Court of Arbitration at The Hague,” ani Fortun.
Sa nakaraang apat na taon ni US President Donal Trump, lalong lumala ang puwersa ng China sa WPS dahil hindi ipinaglaban ng Amerika ang Pilipinas sa pinanalunang kaso sa nasabing teritoryo.
Hindi nakasalalay kay Biden
Subalit para kay ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo, walang epekto sa kinabukasan ng mga Pilipino kahit nanalo o natalo si Biden, kundi sa mga lider mismo ng bansa.
“Ang kinabukasan ng mga Pilipino ay nakasalalay sa kung paano tutugunan ng lokal at pambansang pamahalaan ng Pilipinas ang mga isyung pang-ekonomiya at pang-edukasyon nito at hindi sa kung sino kina Biden o Trump ang uupo sa White House,” ani Tulfo.
Ginawa ng mambabaas ang pahayag dahil noong nakaraang taon, isa ang Pilipinas sa pinabayaan ng Amerika sa mga bansa sa Southeast Asia pagdating sa investment dahil umaabot lamang sa $7 billion ang inilagak nitong puhunan. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
