MALAS SA BUENAS ELECTRONIC GAMES SA ‘GAPO

ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO JR.

NAGKAWINDANG-WINDANG ang paglulunsad ng Buenas Electronic Games sa Brgy. Barretto, Olongapo City nitong nakaraang buwan.

Ito Ang Totoo: Parang buenas sana ang maraming mananaya dahil puro sila panalo, isa umabot pa ng dalawang milyong piso (P2M).

Kung ‘di ba naman binibuwenas, ang mga nagsugal, este, laro, ay binigyan pa sila ng libreng dalawang daang piso (P200) “credit” bilang puhunan kasi nga “launching”, eh, kaya may pa-libre.

Ito Ang Totoo: Isa sa mga manlalaro ay si Annavy V. Co, ang naengganyong mag-e-poker sa isa sa “machines” ng Buenas.

Tuwang-tuwa ang Anna dahil umabot sa P670,000.00 ang panalo niya.

Pero nang magpasya si Anna na magka-“cash-out” na ng napanalunang halaga, tinanggihan siya. Sabi ng staff, hanggang P30,000.00 lang ang “limit” na pwedeng i-cash-out ng bawat manlalaro.

At habang nakiki-pag-usap sa staff ng Buenas, naging “under maintenance” ang “status” ng kanyang “account” kaya lalong hindi na makapag-cash out si Anna.

Ito ang Totoo: Isa lamang si Anna sa maraming nanalo nang gabing iyon na pawang hindi makapag-cash-out ng kanilang mga napanalunan sa kapareho ring sitwasyon at kadahilanan.

Ilang oras lang matapos magsimulang mag-operate, itinigil na ng Buenas ang “e-games” dahil mistulang malas ang inabot nila.

Inalok na lamang ng Buenas ng P30,000.00 ang mga nanalo kasama na ang nanalo ng P2M kapalit ang “waiver” na hindi na sila maghahabol sa natirang halaga.

Ito Ang Totoo: May “glitch” daw o problema sa makina. At dahilan ng “operators” ng ­Buenas, may mga paglabag din na naganap.

Hindi umano sinunod ni Anna at iba pang buenas na sana pero minalas pa, ang patakaran sa “minimum buy per game”, iyon bang puhunan, na P1,000.00, nang magsimula nga lang sila sa P200 na bigay pa ng Buenas.

Lumampas din daw sa “maximum bet” na P5,000.00 ang mga buenas na sana pero minalas pa, na partikular kay Anna, ay P5,050.00, sobra ng singkwenta pesos (P50).

Ito Ang Totoo: Gumawa na ng sinumpaang salaysay si Anna at ipinadala ng kanyang abogado kay PagCor acting Chairman and CEO Alejandro H. Tengco, “attention” pa kay acting President at COO Juanito L. Sañosa.

Tingnan natin kung saan hahantong ang isyu. Nakabantay ang mga manunugal, este, manlalaro dahil nananatiling sarado ang minalas na Buenas E-Games sa Barretto, Olongapo City hanggang hindi nareresolba ang isyu. Ito Ang Totoo!

278

Related posts

Leave a Comment