MALAYA NGA BA ANG PILIPINAS?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

KAHAPON, Nobyembre 30, ating ginunita ang ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ng “Supremo ng Katipunan” na si Gat Andres Bonifacio.

Ang Kagalang-galangan Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o Katipunan na pinamumunuan noon ni Andres Bonifacio ang nagsindi ng mitsa ng rebolusyon na unang sumiklab ang madugong digmaan noong 1896 at natapos sa ikalawang yugto noong 1898.

Lubos, lantay at dalisay ang pagpapahayag ni Bonifacio ng kalayaan ng Pilipinas sa kolonyalistang Espanya.

Agosto 23 o kaya Agosto 26, nang sabay-sabay na pinunit ng mga manghihimagsik ang kanilang mga sedula sa pamumuno ni Andres Bonifacio at mga kasapi ng KKK.

Sinasagisag ng pagpunit sa sedula ang pahayag ng kasarinlan mula sa Espanya, na sunod-sunod na naganap sa Pugad Lawin (Balintawak), Kangkong, Bahay Toro at sa Pasong Tamo – lahat ng lugar na ito ay nasasakop ngayon ng Lungsod Quezon.

***

Ano ba sa mga Pilipino noon ang sedula?

Napakahalaga nito na sa panahon natin, maitutulad ito sa isang pasaporte, driver’s license o national identification card, mga opisyal na identification cards, kumbaga sa ating panahon.

Noon, ang pagsira o pagpunit sa sedula ay katumbas ng krimeng sedisyon, at ito ay may katumbas na napakabigat na parusa.

Ayon sa mga aklat ng kasaysayan, kasunod o bago pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula ay isinigaw nila ang pagpapahayag ng pagtutol, pagkamuhi at ang naisin na pumiglas sa mahabang panahon ng pagkaalipin sa gobyerno ng Espanya.

Deklarasyon iyon ng kasarinlan o ng kalayaan at pagpapatunay na ang mga Pilipino noon ay matagal nang nagnanais na makalaya.

***

Pero naiiba ang kalayaang inihayag ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit.

Kalayaan nga ba iyong inihayag ni Gen. Aguinaldo o pagpapatunay na huwad ang kasarinlang iyon pagkat kasabay nito, naideklara ang Pilipinas sa pagiging “protektadong teritoryo” ng bagong mananakop, ang U.S.

Hanggang ngayon, tayo ay protectorate ng US – na ayon sa international law, ang isang protektadong teritoryo ay nasa pangangalaga ng isa pang bansa, sa paraang diplomatiko o sa pagsakop sa paraang militar.

Kung susuriing mabuti ang kasaysayan, ang pahayag na “kalayaan” noong Hunyo 12,1898 ay isang huwad na kasarinlan, batay sa mga tunay na pangyayari.

Maraming bahagi ng bansa noon, lalo na ang pasigan ng Maynila at ng Cavite ay nasa kamay na ng hukbo ng U.S., sa pangangasiwa ni Admiral George Dewey ng U.S. Naval Fleet na nakaangkala sa Maynila Bay.

Dumating sa bansa si Aguinaldo sakay ng barko ng U.S. mula sa Hong Kong noong Mayo 1898 at kailangan pang humingi ng permiso ang heneral na makababa sa Pasigan ng Bacoor.

Alam n’yo bang labis na tinutulan ni Apolinario Mabini, ang henyong abogado ng Rebolusyon, ang plano ni Aguinaldo na magdeklara ng Kalayaan?

***

Itinuro ng kasaysayan na “inismiran” lang ng U.S. ang pahayag na kasarinlan ni Aguinaldo, at noong 1899, sumiklab ang digmaan ng Pilipino-Amerikano na natapos nang lubos na matalo ang pangkat ng rebolusyonaryong Pilipino noong 1902.

Sa giyerang ito, tinatayang umabot sa 600,000 hanggang isang milyong Pilipino ang namatay, at ito ay katumbas ng ika-10 bahagi ng buong dami ng mga Pilipino noong panahong iyon.

Oo, “pinalaya” tayo ng U.S. nang ibalik ang kalayaan sa politika noong Hulyo 4, 1946, pero bago ito ginawa ng America, tiniyak nila na ang buong bansa ay nakasandig, nakasampay at ganap na umaasa sa lahat ng bagay sa kapangyarihang militar, kabuhayan at maging sa kultura o kaisipang Amerikano.

Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ang Pinas sa lahat ng ibinibigay/bibigay ng pamahalaang U.S.

Nagsasarili man tayo sa politika, sakal na sakal pa rin tayo ng kapangyarihang militar, politikal at ekonomya ng U.S., at hanggang ngayon ay hindi tayo makatayo sa sariling paa kundi tayo bibigyan ng saklay o tulong ng U.S.

May tanong: Malaya nga ba ang Pilipinas?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com

85

Related posts

Leave a Comment