MALIGALIG SA JOMALIG

PUNA Ni JOEL AMONGO

BAGAMA’T maliit na bayan ang islang Jomalig sa lalawigan ng Quezon, ito ay maligalig ­ngayon dahil ayon sa social media, bababa na raw sa puwesto ang kasalukuyang alkalde ng kanilang bayan dahil pinaboran ng korte ang naging petisyon ng natalong mayor.

Hindi kasi matanggap ni ­dating Jomalig Mayor Rodel Espiritu na tinalo siya ng bagito sa pulitika na si Mayor Nelmar Sarmiento sa mahigit 10 boto lamang, kaya ang dating alkalde ay nagpetisyon sa korte at may desisyon na raw na pumabor sa kanya.

Teka muna, bagama’t hindi tayo abogado, pero bakit o may hurisdiksyon ba ang REGIONAL TRIAL COURT para sa ELECTION PROTEST?

Hindi ba dapat ang humawak nito ay COMELEC? Sabagay, may kanya-kanyang abogado naman ang magkabilang panig para sila ang magtagisan ng kanilang mga talino hinggil sa isyu.

Sa paghabol ngayon ni ­Mayor Espiritu ay nililinaw ngayon ni Jomalig Mayor Sarmiento na wala raw katotohanan ang mga ipinakakalat sa social media na siya ay bababa na sa pwesto.

Hindi pa raw final ang desisyon ng korte dahil may mga PETITION din ang kanilang panig at siyempre pa ay may bisa ang proclamation ng COMELEC na siya ang nanalo sa nakaraang halalan.

Para sa kanilang mga CONSTITUENT, ay narito ang pahayag na paglilinaw ni Mayor Sarmiento:

Pahayag ukol sa kumakalat na balita sa pagbaba sa pwesto ni Mayor Nelmar T. Sarmiento

“Magandang araw po mga minamahal kong Jomaligins!

Ngayong araw po ay may mga kumakalat na balita sa social media hinggil sa naging desisyon ng korte sa election protest na isinampa ni dating Mayor Rodel T. Espiritu.

Nais ko pong ipahayag sa lahat ng aking minamahal na mga kababayan, na ako pa rin po ang opisyal at kasalukuyang mayor ng ating bayan.

Ang naging pasya ng korte ay hindi pa final at executory, sapagkat may pending Motion for Reconsideration na nakabinbin pa sa korte at ibang usapin tulad ng ballots tampering. Ako po at ang aking mga abogado ay naninindigan na sa bisa ng Oath of Office at COMELEC Proclamation noong May 10, 2022, na ‘di pa naipapawalang-bisa at kaugnay nito ay may ang kaukulang apela sa COMELEC upang ­bigyang linaw ang desisyon ng korte.

Malinaw na ang ganitong pagkilos ay humihikayat ng kaguluhan sa ating lokal na pamahalaan at kalituhan sa mga mamamayan. Huwag po ­nating patulan ang mga ganitong malisyosong aksyon at balita. ­Ituon po natin ang ating lakas sa mga programa at hakbang na ginagawa ng ating bayan upang agaran na makabangon ang ating mga kababayan bunga ng katatapos lamang na kalamidad.

Magkaisa po tayong lahat at asahan ninyo ang ibayo ko pang panglilingkod at pagbibigay ng agarang serbisyo sa lahat.

Maraming salamat po!”

Sa ganang akin, sana iwasan ng mga politiko ang kaguluhan sa kanilang constituents para katahimikan ng kanilang mga lugar.

Kapag tahimik ang isang lugar ay mabilis ang pag-asenso at hayahay ang buhay ng mga residente.

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

185

Related posts

Leave a Comment