Maltese citizenship patunayang wala nang bisa VACC KAY GIBO: RESIBO O RESIGN

TILA hinahamon ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na ipakita sa publiko ang lahat ng opisyal na dokumentong nagpapatunay na legal niyang tinalikuran ang pagiging mamamayan ng Malta—o agad na lisanin ang kanyang pwesto.

Sa isang opisyal na pahayag nitong Martes, nanawagan si VACC President Arsenio “Boy” Evangelista kay Teodoro na patunayan ang pagsunod niya sa Republic Act No. 9225 (Citizenship Retention and Reacquisition Act of 2003) at sa Implementing Rules and Regulations nito. Binigyang-diin ni Evangelista na hindi ito personal o pampulitikang pag-atake, kundi usapin ng tiwala ng publiko, transparency, at pananagutan sa gobyerno.

“Nasaan ang mga resibo, Secretary Teodoro?” tanong ni Evangelista, na tumutukoy sa sworn petition, Oath of Allegiance, Identification Certificate, o anomang legal na dokumentong nagpapatunay na muli siyang naging Pilipino sa ilalim ng batas ng bansa.

Mula nang mabunyag ang pagkakaroon ni Teodoro ng balidong Maltese passport, wala pa umanong naipapakitang ganoong mga dokumento. Babala ni Evangelista, ang pananahimik ng kalihim at ang kabiguang magsumite ng mga kinakailangang papeles ay lalo lamang nagpapababa sa kumpiyansa ng publiko sa kanya at sa integridad ng Department of National Defense.

Ani Evangelista, lalong lumalala ang isyu dahil mismo sa pag-amin ni Teodoro sa isang panayam sa radyo na maging ang kanyang asawa at mga anak ay may hawak ding Maltese passports. Ang kanyang asawa ay naitalagang Philippine envoy noong 2017—na nagpapataas ng seryosong katanungan kung siya ba ay kwalipikado at kung siya rin ba ay pormal na tinalikuran ang dayuhang pagkamamamayan bago umupo sa diplomatikong posisyon.

Nanawagan ang VACC sa Commission on Appointments, Department of Justice, at Malacañang na imbestigahan nang husto ang usapin. Kung may mga pagkukulang o hindi pagkakatugma sa mga dokumento o sa kumpirmasyon ni Teodoro, iginiit ni Evangelista na dapat umiral ang batas at panagutin ang kalihim.

“Karapatan ng taumbayan ang katotohanan. Kung hindi kayang tugunan ni Secretary Teodoro ang mga legal na pamantayan para sa kanyang posisyon, nararapat lamang na siya’y magbitiw,” pagtatapos ni Evangelista. (JOEL AMONGO)

24

Related posts

Leave a Comment