ANG mga Aeta ay isa sa mga katutubong Filipino.
Hindi pa man sinasalakay, sinasakop at kinokontrol ng mga Kastila ang ating bansa noong ika-16 siglo ay mayroon nang Aeta sa bansa.
Isa sa mga tinirahan ng mga Aeta ay ang malawak na pamayanang tinawag sa kalaunan na Pampanga at Tarlac.
Noong 1903, itinayo ng Estados Unidos ng Amerika ang Clark Air Base upang magsilbing base-militar ng naturang dayuhan at mapanakop na bansa sa Pilipinas.
Noong 1991, naipasa ng Estados Unidos ang Clark Air Base sa pamahalaan ng Pilipinas.
Noong 1992 ay nagkaroon ng Republic Act No. 7227 na nagtayo sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na siyang namahala sa pagpapaunlad ng Clark.
Sa kabila ng mga kaganapang ito, hindi iniwanan ng maraming pamilya ng Aeta ang Tarlac at Pampanga, sapagkat ang mga Aeta ay matagal nang naninirahan sa pamayanang kanilang tinitirahan.
Sabi nga ni Casamira Maniego, pinuno ng Asosasyon ng Katutubong Mahawang sa Capas, Tarlac, “ancestral domain” ng mga Aeta ang kanilang pamayanan.
Ngunit, pinaaalis ng pamunuan ng BCDA ang mga Aeta dahil patuloy nitong pinauunlad ang New Clark City na pag-aari ng pamahalaan ang lahat ng lupang sakop nito.
Noong Disyembre 2, nakatanggap si Maniego ng liham mula sa BCDA na ganito ang pahayag: “Nais po naming ipabatid sa inyo na ang lupain na kasalukuyang kinatitirikan ng inyong bahay/istruktura o sinasaka ninyo sa Barangay Aranguren, Capas, Tarlac ay pagmamay-ari ng pamahalaan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng [BCDA] ayon sa Batas Republika Bilang 7227.”
“Dahil po rito at bilang makataong pakikitungo, kayo po ay binibigyan ng pitong (7) araw na palugit, simula sa araw ng pagkatanggap ng liham na ito, upang makipag-ugnayan sa aming opisina at isumite sa BCDA ang mga nararapat na dokumento at gayundin ay boluntaryo o kusang-loob na lisanin?ang?nasabing lugar at baklasin ang anumang istruktura na itinayo ninyo dito, kung mayroon man, upang magbigay-daan sa gagawin at agarang pagpapatupad ng nasabing proyekto ng gobyerno.”
Ang lupit naman ng BCDA sa Aeta!
Kung hindi malupit, ano ang eksaktong tawag sa ginawang pagpapaalis ng BCDA sa 500 pamilya ng mga Aeta?
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271. (Badilla Ngayon / ELSON S. BADILLA)
