MANSYON NG DAYUHAN SA ALABANG, IPINANGALAN KAY ‘INDAY’

SA ilalim ng umiiral na batas, mahigpit na ipinagbabawal sa mga dayuhan magmay-ari ng mga lupa, mansyon at mga negosyong pasok sa kategorya ng public utility.

Pero sa kaso ng dalawang Korean nationals na umano’y nasa likod ng operasyon ng illegal POGO sa Double Dragon Plaza sa Pasay City, madaling napaikutan ang Commonwealth Act No. 108 (series of 1938) na mas kilala sa tawag Anti-Dummy Law.

Ayon sa isang kasambahay na itinago sa pangalang Inday, sa kanya ipinangalan ng mga among Korean nationals ang dalawang mansyon sa Ayala Alabang Village sa lungsod ng Muntinlupa.

Pag-amin ni Inday na tubong Pantar sa lalawigan ng Lanao del Norte, pinapirma umano siya nina Sung Chul at Sungchan ng “Special Power of Attorney” para makaiwas sa Anti-Dummy Law — at sa hangaring itago ang kita sa negosyong illegal POGO.

Batay sa SPA na pinirmahan ni Inday, lumalabas na sina Sung Chul at Sungchan ang itinalagang “Attorney-In-Fact”.

Kung pagbabatayan naman ang buwanang sahod ni Inday, lumalabas na hindi niya kakayanin bumili isa man sa dalawang mansyon na sa kanya nakapangalan.

Partikular na tinukoy ni Inday ang mala-palasyong bahay sa Ayala Alabang Village na may sukat na 861 metro kwadrado. Ang halaga — tumataginting na P258.3 milyon base sa presyong P300,000 per square meter. Ang naturang mansyon ay saklaw ng Transfer Certificate of Title (TCT) No. 014-202…..98.

Sa magkapatid na Koreano rin aniya ang 702-metro kwadradong mansyon (na may TCT number 014-2…….88) sa Ayala Alabang Village na may katumbas na halagang P210.6 milyon.

Samantala, kinumpirma ng isang impormanteng kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi makalulusot sa ahensya ang anumang paliwanag ni Inday na kumikita lamang umano ng P15,000 buwanang sahod, bukod pa sa minsanang raket bilang dog trainer.

Sa pagsusuri ng impormante sa mga dokumentong ginamit sa pagbili ng mansyon, kalakip ng SPA ang driver’s license na inisyu ng Land Transportation Office sa magkapatid na Koreano.

Sa kaugnay na balita, nagpahayag ng pangamba ang mga residente ng Ayala Alabang Village sa posibilidad na “napasok na rin ng mga dayuhang sindikato ang kinabibilangang komunidad.”

Anila, higit na angkop busisiin ng pamahalaan ang katauhan nina Sung Chul at Sungchan na umano’y gumagamit ng santambak na pasaporte, kabilang ang isang inisyu ng bansang Commonwealth of Dominica.

“Para sa amin, red flag agad pag multiple passport holder ang mga foreigner na gustong tumira dito sa amin… dapat siguro alamin ng awtoridad ang background nila. Baka pinasok na kami ng mga foreign fugitives,” wika ng isang homeowner.

Sa ilalim ng Anti-Dummy Law, may karampatang parusang pagkakulong ng lima hanggang 15 taon ang magkapatid na Koreano sakaling mapatunayan “guilty” ng husgado.

Bahagi rin ng naturang batas ang nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan kumpiskahin ang mga pinundar na ari-arian.

42

Related posts

Leave a Comment