MARAMI NA ANG “RESERVISTS” NG BAYAN

ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.

HALOS milyon na ang bilang ng “military reservists” ng bansa sa iba’t ibang sangay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa ilalim ng “Armed Forces of the Philippines Reserve Command” o “AFP RESCOM.”

Pero may plano pa ring gawing “mandatory” o sapilitan ang ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) para sa mga kabataang mag-aaral.

Ito Ang Totoo: Meron na tayong halos 150,000 aktibong “military personnel” sa Navy at Air Force, pwera pa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng Dept. of Transportation na meron ding “auxillary” na ­binubuo ng “reservists, at siyempre, ang Philippine National Police na may lakas na 220,000.

Sa dami ng bilang ng kasalukuyang “reservists,” bukod pa sa active “military at PNP personnel,” dapat isiping mabuti kung kailangan pa ba talaga ang mandatory ROTC.

Ilang dekada na, na hindi “mandatory” ang ROTC at maayos naman ang takbo ng buhay, lalo na ng mga mag-aaral na nakakatutok sa “academics” na aspeto ng pag-aaral.

Ito Ang Totoo: Itinigil ang “mandatory” ROTC dahil sa mga pag-abuso na kumitil sa buhay ng mga kabataang mag-aaral.

Napakasaklap na ang iyong anak na inaaruga at ni ayaw padapuan sa langaw ay mapapatay lamang sa “training” na hindi naman kailangan sa kanyang buhay.

Kailangan ng “military personnel” at “reservists” pero hindi lahat ay para sa ganoong buhay. Gaya nga ng nabanggit sa taas, napakarami naman na ng nasa ganoong linya.

Ito Ang Totoo: Hindi tayo umaayon na ang kabataang mag-aaral ay isasabak sa mga sakuna, trahedya at lalo na sa armadong tunggalian.

Kaya nga meron tayong sandatahang lakas na may pagsasanay at sumusuweldo mula sa kaban ng bayan na ang trabaho ay pangalagaan ang bayan at mamamayan, bakit ang mga nasa murang edad na kabataan ang ilalagay sa panganib na walang suweldo o benepisyo man lang?

Marapat lang na ang mga swelduhang tauhan ng ­Sandatahang Lakas ang asahan, kasunod ang “reservists” ng “AFP Reserve Command” at hayaan na ang mga kabataan na mamili kung gusto nilang mag-military o ­manatiling sibilyan dahil hindi lahat ng aspeto ng buhay ay tungkol sa “military” lamang.

Maganda lang tingnan sa porma ang naka-uniporme at magka-ranggo kaya nga ­maraming politiko ang sumasali sa “AFP Reserve Command,” pero pagdating sa katotohanan, hindi biro ang sumabak sa laban. Ito Ang Totoo!

178

Related posts

Leave a Comment