SINABI ng Comelec na natapos na nila nitong nakaraang Sabado (Abril 2) ang pag-iimprenta ng 67.4 milyon balota na gagamitin sa darating na halalan ngayong Mayo 9.
Sa totoo lang ay dapat papurihan ng publiko ang mga taga-Comelec dahil sa kabila ng napakaraming aberya na pinagdadaanan nila ay natapos pa rin sa oras ang pag-imprenta nila ng balota.
Medyo mabilis din ang naging proseso ng pag-iimprenta na sinimulan noong Enero 23 ng taong kasalukuyan at ang deadline ay sa Abril 23 pa pero natapos nila ng Abril 2.
Ibig sabihin ay napaaga pa ng 21 araw sa deadline ng pag-imprenta na malaking tulong sa mga preparasyong ginagawa ng poll body para tiyakin na magiging maayos ang daloy at pagdaraos ng darating na halalan.
Pero bagama’t very good ang Comelec dahil maagang natapos ang pag-imprenta ay maraming agam-agam at katanungan pa rin ang patuloy na bumabagabag sa isip ng ating mga kababayan.
Sa pagkakaalam natin ay umabot sa halos 200,000 ang depektibong balota na naimprenta nila.
At dahil tapos na ang printing, ang tanong naman ngayon ng ating mga kababayan ay ano na ang plano nilang gawin ngayon sa mga depektibong balota?
Sa isang pahayag ay sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na maaaring sunugin nila o isalang sa shredding machines ang mga depektibong balota para hindi na magamit ng ibang grupo.
Malabo pa rin ang isyu tungkol sa mga preparasyon na ginagawa nila sapagkat inililihim pa rin nila sa publiko ang mga bagay na may kaugnayan sa technical aspects ng automated elections.
Importante kasi na transparent sa publiko ang ginagawa nila upang maiwasan ang mga pagdududa sa magiging resulta ng halalan, lalo pa tila bangungot ang nangyari noong 2016 para sa maraming mga kandidato.
Hindi makakalimutan ng ating mga kababayan na tila naging inutil ang Comelec at ipinaubaya na lang nitong lahat sa technological provider nila na Smartmagic este Smartmatic pala, ang kinahinatnan ng eleksyon.
Kaya naman sa pagkakataong ito ay dapat mas maging mapagbantay ang mga kababayan natin para hindi na maulit ang bangungot ng 2016 na dulot ng pagiging pabaya ng Comelec.
