MARAMING NA-INSECURE KAY TORRE? AT ‘BAHA’ NG SUPORTA KAILANGAN NG MAGSASAKA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ISUSUBASTA ng Department of Agriculture (DA) ang 100,000 metriko tonelada o 1.2 milyong bag ng lokal na bigas.

Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagtibayin pa ang food security sa bansa.

Itatakda ang floor price ng bigas mula P25 hanggang P28 kada kilo, depende sa kalidad nito.

Layunin din daw ng auction na paluwagin ang mga bodega para makapag-imbak pa ng karagdagang supply.

Nangangahulugan daw na maganda ani ng mga magsasaka.

Isa pa, maglalabas din ang DA ng dagdag na 100,000 metric tons ng bigas para sa ‘Benteng Bigas, Meron Na’ program ng administrasyon.

Ayan, tiniyak na sapat ang suplay ng bigas sa kabila ng napipintong suspensyon sa pag-angkat ng bigas simula Setyembre 1.

Hihigpitan din umano ng DA ang pag-monitor sa presyo upang matunton ang mga nagbabalak magmanipula ng presyo.

Sa papel, magandang tingnan ang mga hakbang ng pamahalaan, ngunit kung ilalapit sa mga pilapil ng sakahan at palayan ay baka madiskaril.

Umaaray ang mga magsasaka sa pinapababang presyo ng bigas sa merkado. Pinapatay nito ang kanilang kabuhayan.

Pabor nga ang mababang presyo ng bigas sa mamimili o konsyumer pero pasakit sa mga nagpapakahirap sa palayan.

Bumababa ang presyo ng palay pero hindi patuloy ang pagtaas ng abono, pestisidyo, renta ng mga kagamitang pang-araro, harvester.

Dagdag-gastos ang bayad sa mga kargador ng sinakong palay na bagong ani papunta sa malapit na kalsada.

Ang ibang palayan at nasa kalagitnaan ng malawak na sakahan kaya kailangan ang mga kargador.

Tapos, babaratin ng trader ang presyuhan ng palay.

Maganda nga ang ani, pero hindi nakikita ng ibang nakapuwesto ang hindi magandang kondisyon ng mga nagbubungkal.

Dapat nga atang repasuhin ang rice tariffication. Kailangan ding lakihan ang pinansyal na ayuda ng mga farmer, damihan ang mga warehouse, dryer at mga kagamitan sa pagtatanim at pag-ani.

Suporta ang ibigay sa mga magsasaka nang hindi sila panghinaan ng loob at iwaksi sa utak ang balak na talikuran na ang pagsasaka.

Ang dapat bumaha ay ang palay. Iyan ang magandang ani.

Kaya dapat bumabaha rin ang suporta at tulong sa kanila.

Tutal uso naman ngayon ang baha, lalo na sa mga kalsada at kabahayan dahil sa palpak na flood control projects.

o00

Litong-lito at gulong-gulo ang publiko sa ginawa kay dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na ngayon ay naka-leave na raw matapos ang biglaang pagsibak sa kanya.

Marami ang dismayado dahil popular ang heneral kaya nga tinagurian siyang ‘People’s General’, kumbaga dagdag ‘pogi point’ siya sa administrasyon ni Marcos Jr.

Pero mukhang matindi talaga ang bardagulan sa loob ng ahensya kaya walang nagawa si PBBM kundi paalisin ang heneral na pinuri pa naman niya sa kanyang nakaraang SONA.

May isa pang maugong. Marami raw sa mga bata ni PBBM ang insecure na kay Torre dahil nga sikat ito at posibleng itulak sa pulitika sa 2028.

Sabagay, kung pagbabasehan mo ang mga komento sa social media, malaki ang posibilidad na manalong senador ang heneral.

Heto pa ang nakatutuwa sa mga usapan sa social media. Maraming netizens kasi ang gigil talaga. Huwag na raw pabola pang muli si Torre kay PBBM at huwag tanggapin sakaling bigyan ng panibagong pwesto dahil baka ilaglag ulit siya. Ang dapat niyang gawin ay manatili sa PNP. Hangga’t hindi kasi inaalis sa kanya ang kanyang 4-star ay mananatiling OIC ang pumalit sa kanyang si Police Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr. na 3 lang ang estrelya.

Marami pang suhestyon ang mga netizen para raw makaganti ang heneral sa ‘pang-aapi’ sa kanya. Pero sabi nga mismo ni Torre, siya ay mabuting sundalo na handang sumunod sa anomang utos. Tingnan natin.

45

Related posts

Leave a Comment