MARAMING NAKASAWSAW SA FOOD STAMP PROGRAM

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas na isama ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang planong food stamp program sa pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na palawakin ang merkado para sa mga produkto ng lokal na sakahan.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang food stamps ay programang pang-agrikultura at layon nitong idugtong ang mga sobrang produkto sa kulang sa pagkain na kabihasnan. Matutugunan nito ang kahirapan sa mga urbano at rural na pook.

Aniya, halos 30 porsiyento ng mga magsasaka ay mahirap kaya para masustinehan ang programa ay isama ito nang lumaki ang kita ng mga magsasaka.

May punto. Habang pinakakain, kahit isang beses sa isang araw, ang pinakamahirap na mga pamilya ay madaragdagan din ang kita ng mahihirap na nagbubungkal ng lupa.

Para sa mahihirap? Isang bato, sapol ang dalawa. Ngunit, sino nga ba ang kalihim ng DA, na nais ding maalala na tumutulong sa mahihirap.

Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit iba ang ginawa ng DSWD, na isasama ang DA at DTI sa job programs na makatutulong sa mga benepisyaryo ng programa na makahanap ng trabaho.

Bukod sa Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), DSWD, mag-ienrol din ang mga benepisyaryo sa job-generating programs ng DA and DTI nang magkaroon ng skills na magpapabuti ng kanilang buhay.

Dumarami na ang sangkot sa programa, na isa sa mga panakip ng pamahalaan sa kawalan nito ng tunay na hakbang na tugunan ang implasyon, kakulangan ng trabaho at iba pang pabigat sa mamamayan.

Kung nais ng pamahalaan na wakasan ang palaasang gawi ay huwag nilang latagan ng isang beses na pagkain ang pinakamahirap na pamilya. Tinatakam pa rin ng gobyerno ang mga pamilya na umasa sa ayuda, na isusumbat din sa kanila.

Dahil sa dumami at darami pang ahensya na isasama sa food stamp program, hindi kaya sumobra na ang rekado sa nilulutong pagkain, na sa halip na maging masarap at katakam-takam ay maging nakasusuka at kasuklam-suklam?

219

Related posts

Leave a Comment