MARAMING PINASUSUWELDO NA WALANG SILBI

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MALAKING isyu sa mga arawang manggagawa na pinasusuweldo ng gobyerno si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na tumatanggap ng sahod kahit hindi pumapasok para gampanan ang kanyang trabaho bilang senador ng bansa.

Hindi ko masisisi ang no work, no pay employees o ‘yung mga hindi regular ang kanilang estado sa kanilang kumpanya dahil kapag hindi sila pumasok ay wala silang suweldo, hindi tulad ni Bato na tuloy ang suweldo.

Bilang senador, Salary Grade (SG) 31 si Bato as in P301,095 ang kanyang sahod kada buwan at hindi pa kasama riyan ang iba’t ibang allowances bilang “honorable gentleman from Davao” pero walang batas na puwedeng magsabing huwag siyang pasahurin dahil hindi pumapasok.

Sa contractual employees lang ‘yan applicable kaya luging-lugi raw ang sambayanang Pilipino lalo na ‘yung taxpayers, kay Senador Bato na nagtatago na matapos marinig na may arrest warrant na siya.

Teka, ‘di ba naghamon pa si Bato ng “Make my day”, “Go ahead, make my day”? Anyare, bakit bilang nagtago? Ayaw niya nun, makakasama na niya si Tatay Digong niya sa detention cell ng ICC sa The Hague?

Anyway, hindi lang si Bato ang pinasusuweldo ng taumbayan na hindi pumapasok at hindi nagtatrabaho bilang mga mambabatas. Ang dami niyan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso as in mga congressman.

Hindi ba kayo nagtataka na kapag may ipinapasang batas sa Kamara sa pamamagitan ng nominal voting, hindi umaabot sa 318 ang bumoboto? May mga pagkakataon na hanggang 222 lang ang bumoboto ng “Yes” at hindi lalagpas sa mga daliri mo sa kamay ang bumoboto ng “No”.

Ang Kongreso as in Lower Chamber, ay may 318 miyembro pero hindi lahat iyan pumapasok araw-araw pero tuloy ang kanilang suweldo na katulad ng sinusuweldo ng mga senador. Tuwing SONA lang napupuno ang session hall pero kapag ordinaryong sesyon na, kumakalog ang kapulungan dahil halos walang tao.

Kung pumapasok lahat ng mga kongresista, dapat 318 ang kabuuang bumoto sa 2026 House General Appropriations Bill (HGAB) pero ang bumoto ay 287 ng “Yes” at 12 ang bumoto ng “No” kaya ang ganitong importanteng batas, 299 lang ang present na nakaboto. Nasaan 19 congressmen?

Noong nakaraang linggo, ipinasa sa pinal na pagbasa ang Rollover Internet Data Bill na tatapos sa kagulangan ng internet service providers (ISPs) pero alam niyo ba kung ilan lang ang bumoto? 222 lang.

Ibig sabihin, halos isang daang congressmen ang absent nang ipasa sa pinal na pagbasa ang panukalang ito, pero walang sumisita sa kanila at walang batas na nagsabing huwag silang pasahurin dahil hindi naman nila ginagawa ang kanilang trabaho.

Kaya hindi lang si Bato ang palamunin ng taxpayers, ang dami niyan sa Kamara na hindi lang napapansin dahil ang dami nila kumpara sa Senado na isa lang ang absent, halata na.

92

Related posts

Leave a Comment