HINDI dapat sinusubukan ng administrasyong Marcos ang galit ng taumbayan, ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, matapos nitong muling manawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad kanselahin ang pasaporte ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Giit ni Tiangco, hindi kailanman tatanggapin ng publiko na mga opisyal ng DPWH at contractors lamang ang mapapanagot sa anomalya sa flood control projects, habang ang mga mambabatas na umano’y utak ng katiwalian ay malayang nakapamamasyal sa ibang bansa.
“Huwag nilang subukan ang galit ng taumbayan. Hindi tatanggapin ng publiko na DPWH at contractor lang ang makukulong habang ligtas at nakakapag-happy-happy sa ibang bansa ang mga mambabatas,” mariing pahayag ni Tiangco.
Matatandaang noong Setyembre 19, 2025, imbes na harapin ni Co ang mga alegasyon laban sa kanya gaya ng iniutos noon ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ay nagbitiw na lamang siya sa puwesto bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list.
Hanggang ngayon, hindi malinaw kung saan bansa naroroon si Co. Ayon sa unang pahayag ng kanyang kapartidong si Rep. Alfredo Garbin, umalis umano ito papuntang Estados Unidos para magpagamot. Ngunit lumalabas sa mga impormasyong hawak ng ilang ahensya na wala na ito nasa Amerika at posibleng nagpunta na sa ibang bansa.
Si Co, na dating chairman ng House Committee on Appropriations, ay iniuugnay sa daan-daang bilyong pisong “insertions” sa 2025 national budget, at sinasabing may kinalaman sa flood control projects sa Bulacan. Isa rin umano siya sa mga kumita ng malalaking komisyon mula sa mga kontratang hawak ng kanyang construction firm na Sunwest, habang siya ay nasa pwesto pa.
“Kung patuloy na palalampasin ng administrasyon ang mga tulad ni Zaldy Co, mawawala ang tiwala ng taumbayan. Hindi ito dapat ituring na simpleng isyu — ito ay usapin ng katarungan,” pagtatapos ni Tiangco.
(BERNARD TAGUINOD)
