AMINADO ang Malakanyang na wala itong magagawa para pagbigyan ang apela at hirit ng iba’t ibang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipatigil ang naging kautusan ng Department of Transportation na taas-singil sa pamasahe sa LRT Line 1.
Nakatakda na kasing ikasa ang bagong fare matrix ng Light Rail Transit Line (LRT1) ngayong Miyerkoles, Abril 2, 2025.
“Gustuhin po natin man ‘no, gustuhin po ng administrasyon na ito po ay hindi muna maituloy pero iyan po kasi ang nakasaad sa kontrata. Kung hindi po ako nagkakamali, nabanggit po ito na matagal na po dapat nagtaas ng presyo pero hino-hold po ito para po sa ating mga commuters,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Pero tingnan din po natin ang sitwasyon kapag kasama po kasi ito sa kontrata at hindi po itinupad or natupad ng gobyerno ay mas magkakaroon po nang malaking problema ang ating mga commuters,” ang dagdag na wika ni Castro.
Sa ulat, nakatakdang mangolekta ang private operator Light Rail Manila Corporation (LRMC) ng P10.00 na karagdagang singil sa pamasahe simula sa nasabing petsa.
Sinasabi ng iba’t ibang grupo na bilang Pangulo ng bansa ay may karapatan ito na baligtarin ang kautusan ng DoTr.
Ang mga naghain ng apela ay kinabibilangan nina Bayan President Renato Reyes, Jr at Makabayan senatorial candidates Jerome Adonis ng KMU, Mody Floranda ng PISTON at Mimi Doringo ng Kadamay. Sinamahan sila ng Mhing Gomez ng Anakbayan at Nanoy Rafael ng commuter group PARA.
(CHRISTIAN DALE)
