(Ni: NELSON S. BADILLA)
INANUNSIYO kahapon ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na handa siyang tumakbo sa ‘mataas na posisyon’ sa halalang 2022.
Ngunit, hindi tinukoy ni Bongbong o kilala rin sa palayaw na “BBM” kung ito ay sa pagiging pangulo ng bansa.
Sa Mayo 2022 isasagawa ang halalan para sa pagkapangulo at pagka-pangalawang pangulo ng bansa at iba pang posisyon.
Bagama’t hindi inihayag ni Marcos sa press conference sa National Press Club (NPC) kahapon nang eksakto kung ang mataas na posisyong tatakbuhan niya ay ang pagkapangulo, maraming naniniwala na ang pagiging presidente ang target niya sa eleksyong 2022.
Nabatid ng Saksi Ngayon na maraming sektor at mga politiko ang naniniwala na “handang-handa” na si BBM na maging pangulo ng bansa mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hunyo 30 2028.
Si Marcos ang ikalawang anak nina Pangulong Ferdinand E. Marcos at dating First Lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos.
Si BBM ay beterano na sa paglilingkod-bayan.
Siya ay naging gobernador ng Ilocos Norte, kongresista ng Ilocos Norte at senador.
Huling lumahok si Marcos sa pambansang halalan noong 2016 bilang bise – presidente ni Senadora Miriam Defensor Santiago.
Natalo si Santiago.
Natalo rin si Marcos, batay sa resulta ng Commission on Elections (Comelec).
Subalit, nadiskubre ng kampo ni Marcos na nagwagi bilang pangalawang pangulo ng bansa si dating Rep. Ma. Leonora “Leni” Robredo, sa pamamagitan ng malawakang pandaraya sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng Camarines Sur, Iloilo, Negros Oriental, Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan.
Kaya, naobligang maghain ng protesta si Marcos sa Korte Suprema.
Ngunit, makalipas ang higit tatlong taon ay hindi pa rin napipinal ng mataas na korte bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) kung nandaya si Robredo o hindi.
Kaya, sabi ni Marcos sa press conference kahapon, “Nakalulungkot na it took over three years” na hindi pa tapos ang kanyang protestang elektoral laban kay Robredo.
“Papaano ba tayo magsasabi na maayos ang ating pamahalaan, maayos ang ating pagpapatakbo kung tatlong taon na, hindi pa natin nalalaman nang mabuti kung sino ba talaga ang nanalo bilang bise presidente?,” wika ni Marcos.
Gayunpaman, naniniwala ang kampo ni Marcos na sa dulo ay mapatutunayang si Marcos Jr. ang tunay na pangalawang pangulo ng bansa mula Hunyo 30, 2016 hanggang Hunyo 30, 2022.
