NASA mainit na usapin ngayon si Marikina 1st District Congressman Marcelino “Marcy” Teodoro matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na may mga kasong inihain laban sa kanya sa National Prosecution Service.
Ayon kay DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano, dalawang babaeng pulis na dating close-in security ni Teodoro ang nagsampa ng reklamo.
Batay sa mga dokumento, ang unang reklamo ay paglabag sa Article 336 ng Revised Penal Code o Acts of Lasciviousness.
Samantala, ang ikalawang reklamo ay Rape by Sexual Assault sa ilalim ng Article 266-A at isa pang kaso ng Acts of Lasciviousness.
Dagdag pa ni Clavano, isasailalim sa case build-up at masusing pag-aaral ang mga reklamo upang malaman kung may sapat na batayan para sa preliminary investigation. Tiniyak din ng DOJ na igagalang ang karapatan ng kongresista sa due process.
Tumanggi namang magbigay ng karagdagang detalye ang DOJ hinggil sa pagkakakilanlan ng complainants upang mapangalagaan ang kanilang seguridad at privacy.
Inilipat sa Camp Crame
Kinumpirma rin ni Marikina City Police Chief, PCol. Michael Astrera, na pansamantalang inilipat sa Camp Crame ang dalawang babaeng pulis na nagsampa ng kaso laban kay Teodoro.
Ayon sa PNP, layon nitong tiyakin ang kanilang kaligtasan matapos pormal na magsampa ng reklamo, sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), noong Setyembre 21.
Sa kanilang sinumpaang salaysay, iginiit ng mga complainant na inabuso sila ng kongresista mula Agosto hanggang ngayong buwan habang nakatalaga bilang close-in security.
Malisyosong paratang
Mariing pinabulaanan ni Rep. Teodoro ang mga alegasyon, na tinawag niyang “malisyoso, walang basehan, at politically motivated attack.”
“Sobra na at sunod-sunod ang mga atake sa akin. Nakakaawa na ko. Ang kanilang mga alegasyon ay walang sapat na basehan at gawa-gawa lamang na ang intensyon ay sirain ang aking reputasyon,” ani Teodoro sa isang pahayag.
Giit pa ng mambabatas, wala pa siyang natatanggap na pormal na reklamo mula sa DOJ at wala siyang detalye tungkol sa mga alegasyon.
Binanggit din ni Teodoro na alinsunod sa DOJ Circular No. 20 (2023), sasailalim pa sa legal evaluation at pagsusuri ng ebidensya ang mga reklamo bago masimulan ang preliminary investigation.
“Ang isang alegasyon ay hindi maituturing na ebidensya,” diin pa ng kongresista.
Matatandaang bago ang kasong ito, pinangalanan din si Teodoro ng mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng DPWH—na dati na ring itinanggi ng kongresista.
(JULIET PACOT/TOTO NABAJA/BERNARD TAGUINOD)
